Sunday, July 30, 2006
Mahal Na Di Bumenta
Kanina ang isa sa mga pagkakataon na iyon ay sumibol. Minsan lang mangyari, baka hindi na mabigyan ako ng pagkakataon muli kaya kailangan nang gawin.
Kumakain kami sa Mann Hann sa may SM North kanina, katapat lang ito ng Red Ribbon. Bukas ay ang kaarawan ng aking ina, kanina pa ako nag-iisip kung ano ang ibibigay ko sa kanya. Naisip ko na lokohin ang mga taong kasama ko.
Ang plano ay sasabihin ko sa nanay ko na may surprise ako sa kanya tapos tatayo ako at pupunta ng Red Ribbon at bibili ng cake, babalik sa Mann Hann at ibibigay ang cake. Sa isip ko, planadong-planado, swabeng-swabe. Pero malaki ang pagdududa ko sa paggawa ng kalokohan ko na ito dahil medyo may kamahalan ang isang cake. Ang pera sa bulsa ko ay limang daan lamang.
Matagal akong nag-isip… At napagdesisyonan ko na hindi na malamang ito mauulit. Unang-una kaarawan ng ina ko kinabukasan, kumakain kami sa Mann Hann, katapat lang ang Red Ribbon. Tatlong elemento na mababa ang prababilidad na maulit kaya kailangan nang gawin.
Sinabi ko sa aking ina, “Ma, dahil birthday mo bukas, may surprise ako sa iyo”
Sagot naman ng aking ina “E di hindi na surprise yon.”
Sagot ko “Sandali lang, kukunin ko lang…”
Tayo ako, diretso sa Red Ribbon. Nakita ko na merong Strawberry Choco Mousse, naalala ko na isa ito sa paborito ng aking ina kaya bili ako agad nito. Maswerte ako na 390 pesos lang ito.
Nabili ko na, balik ako, binigay ko sa nanay ko.
Hintay ng reaksyon…
Hintay…
Hintay…
ANAK NG TINAPA!!! WALANG TUMAWA!!! WALA MAN LANG NAGSABI NA ANG KULIT NG GINAWA KO!!!
MAHAL NA NGA ANG NAGASTOS KO, WALA PANG NAGBIGAY KOMENTO SA GINAWA KO!
Tuloy ang kain, tuloy ang usap na para bang walang nangyari. Pero sa aking looban...
Walang tumawa
Mahal ang ginastos
Hindi bumenta
Nakakaawa
Kalugmok-lugmok
Ka awa-awa
Tuesday, July 18, 2006
Monday, July 10, 2006
Bata Pa Ako Noon
Bata, onti lang ang alam pero maraming kakulitan.
Itong pangyayaring ito ay nangyari sa mga panahon kung saan hindi ko pa alam kung ano ang silbi ng brief. Lumalabas ako ng bahay ng walang brief. Tumatakbo ng walang brief. Naglalaro ng walang brief. At higit sa lahat nagluluksong baka ng walang brief.
May kinukuha ako sa aming bahay nang masangga ko ang isang kahoy sa aking paahan.
BLAG!!!
"ARAY!!!" sigaw ng aking kuya.
Nag-away kami at umiyak siya dahil may kalakihan ang kahoy na bumagsak sa kanyang paa.
Malakas ang ingay na nagawa ng kahoy kaya napansin din ito ng aking itay.
Dali-dali itong umakyat at nagtungo sa aming kinatatayuan.
Sumbong ang aking kapatid.
"Si Sai, hinulugan ako ng kahoy sa paa."
Sagot ko naman "Hindi! Hindi!"
Maiyak-iyak na ako dahil alam ko na ang susunod kung mapatunayan kung talaga bang plinano ko ang pagbagsak ng kahoy sa paahan ng aking kapatid. Hindi ko iyon plinano, kaya pilit kong sinasabi at pinapatunayan na hindi ko plinano ang mga pangyayari.
Simple lang ang tugon ng aking itay.
"Sinasadya mo ba o hindi mo sinasadya?"
Napatigil ako at nag-isip.
Malalim.
Masmalalim.
Ano ang ibig sabihin ng "sinasadya"?
(Habang umiiyak at nag-iisip ng malalim.) "Sinasadya", mukhang may relasyon ito kung plinano ko ba ang nangyari o hindi. Pero masmukhang may tunog siya ng hindi plinano. Alam ko na, "Sinasadya" kaparehas lang siya ng hindi plinano.
Kaya inipon ko ang aking lakas, huminga ng malalim at taas nuong sinabi na may paninindigan "Sinasadya ko po."
"Sinasadya mo?" medyo may pagtatakang tanong muli ng aking itay.
"Opo. Sinasadya ko po." Muling tugon ko na may paninindigan at ngayon may tiwala sa sarili na hindi ako mapapalo dahil sinabi ko ang katotohanan.
Tugon ng aking ama "DAPA!!!"
Nagulat ako, naiyak lalo at nagmakaawang sinabi sa aking ama "Sinasadya ko po. Sinasadya ko po."
"DAPA!"
Labas ng sinturon, wala na akong magagawa kailangan ng dumapa.
"Sinasadya ko po. Sinasadya ko po." Nagmamakaawa habang dumadapa.
WHAPAK!!!
"Alam mo Sai dapat hindi mo sinasaktan ang kapatid mo. Kahit ano pang rason." Pangangaral ng aking ama.
"Hindi naman kita papaluin kung hindi mo sinasadya ang nangyari, pero sinadya mo."
At dahil sa pangungusap na iyon, nalaman ko na kung ano ang tunay na kahulugan ng "Sinasadya".
Nag-ipon nanaman ako ng lakas, huminga ng malalim at para malaman ng aking ama ang katotohanan taas nuong sinabi ko na may paninindigan "Hindi ko po sinasadya."
"Akala ko ba sinabi mo sinasadya mo? Niloloko mo ba ako? Nagsisinungaling ka pa ngayon."
WHAPAK!!!
Natapos na ang pangangaral.
Wala akong natutunan na bagong moralidad matapos ang masakit na pangyayari.
Pero may natutunan ako. May mga salita na masakit malaman ang kahulugan, hindi mo man gustong tanggapin ang sakit pero kailangan tanggapin dahil kailangan mo ng malaman ang kahulugan.
Sa akin ang salitang iyon ay "Sinasadya".
ISANG BAGAY NA HINDI MO DAPAT MALAMAN
Wala akong brief ng mga panahon na iyon.
Saturday, July 08, 2006
Cellphone Ko
May nagtanong sa akin kanina “Anong feeling nang madukutan ng cellphone?”
Sa mga hindi nakakaalam, opo, nadukutan po ako ng cellphone kamakailan lamang.
Sa kasalukuyan ay gumagala ako sa mundong ito na wala ang bagay na dala dala ko araw-araw sa dalawang taon nitong panunungkulan sa akin bilang isang masugid na tagapamigay impormasyon.
Balik tayo sa pinag-uusapan.
Nag-isip ako ng mga motibo kung bakit sa dami-daming pwede dukutan sa loob ng jeep e ako pa ang nadukutan.
Naisip ko muna kung bakit dapat hindi ako. Matangkad, kung titingnan mo para ngang kayang-kaya ko ang lahat ng tao nakatabi ko sa jeep. Mukhang may laban, hindi ako ganon ka lampa pero ako pa rin ang nadukutan.
Rason kung bakit dapat ako ang dukutan. Marahil sa mga panahon na iyon ay mukha talaga akong tanga na naka-upo sa aking kinalalagyan sa loob ng jeep kung kaya nakakuha ng tiyempo ang mandurukot upang buksan ang zipper ng aking bag at makuha ang aking cellphone.
Naisip ko, mukha nga siguro akong tanga ng mga panahon na iyon. Nangyari na ba sa iyo ang tumingin sa kawalan ng dahil sa wala lamang. Aaminin ko madalas ganon ako sa loob ng jeep. Wala ka naman kasi talaga magawa sa loob ng jeep e. Uupo ka lang, titingin sa katapat mo, titingin sa ibang tao at kung makatsempo may uupo sa tabi mong nakasando lang at iaangat ang kamay sa hawakan at sakto ang kilikili ay tatapat sa balikat mo. Yun lang. O ang tumingin sa kawalan.
Aaminin ko, sa lagay kong ito mahiyain akong tao kaya maspinipili ko na lang ang tumingin sa kawalan kaysa sa tumingin sa mga paligid.
“Naapektuhan ka ba dahil wala ka ng cellphone ngayon?”
Hindi, meron nga akong cellphone noon, pero hindi ko naman ito masyadong ginagamit lagi e. Kung may kailangan lang akong itext dun ko lang ilalabas ang cellphone ko. Madalaas nga nagugulat na lang ako na meron na palang apat na mensahe sa cellphone ko. Parang masmabuti pa nga ngayon walang pwedeng sumira ng
Nakakalungkot lang isipin dahil paborito ko ang numero ko sa cellphone 09272153668. Kung para sa iyo walang katuturan ang numerong iyan at binigay lang naman Globe iyan at tsamba lang yan e nagkakamali kayo. Astig yan! Bakit? Basta! Astig yan! Ang ganda lang ng dating.
Isa pa sa nasasayangan ako ay ang lubhang napaglumaan na text message na nasa loob ng cellphone ko. Meron ka pa bang text noong January 2, 2003? Kung meron ka, ang loser ko naman. Pero kung wala ka, ang loser ko pa rin, may cellphone ka, ako wala na.
Oo nga pala!
Dibali, ang cellphone ay bagay lamang. Masmabuti ng ganito, buhay at patuloy pa rin nakapaglalakad.
Wala ng magagawa, hindi na dapat umasa.
HOOOOYYY!!! IBALIK MO CELLPHONE KO!!!!