Wednesday, June 21, 2006

Dumi

Sa lahat ng ayaw ko ay magsulat na para bang nagsasabi sa mga tao kung ano ang dapat nilang gawin. Hindi ko lang talaga maatim na kung bakit tayong mga tao dito sa mundo ayaw ng kalat sa ating tahanan ngunit patuloy na nagkakalat sa kung saan-saan.

Hindi ko malimutan ang isang pangyayari sa SM North. May mag-inang naglalakad sa harapan ko at mukhang parehas kami ng daraanan kaya nasa likuran lang ako. Umiinom ang bata ng C2. Nang maubos na, nagtanong ang bata kung saan niya raw itatapon ang bote sa kanyang ina dahil walang basurahan sa malapit. Natuwa ako sa ina dahil kinuha niya ang bote ng C2 at patuloy lang na naglakad. Akala ko itatapon niya sa basurahan na matatagpuan sa mga daanan ng SM. Nagulat na lang ako ng bigla na lang lumuhod ang ina habang naglalakad at inilagay sa gitna ng daanan ang C2. Tuwa pa man din ako sa kanya dahil akala ko magiging magandang huwaran siya ng kanyang anak, yun pala hindi rin. Ano na lang ang gagawin ng bata kapag lumaki siya.

Para sa akin ang kapaligiran natin ay hindi sa atin. Nakikiraan lang tayo. Wala tayong karapatan dumihan ito, kahit na sabihin niyo pang maliit lang naman ang basura na ikinalat ko.

Isa pang pangyayari, galing kami sa kasintahan ng aking kapatid dahil patungo kaming puerto galera. Sumakay kami ng bus, nagbayad ang kapatid ko at kinuha niya ang ticket ng bus. Sa loob ng bus malamang hindi mo pwede itapon ang ticket ng bus dahil mamaya may mag-inspeksyon mapagkamalan ka pang hindi nagbayad, patay ka, bayad ka ulit. Pagkababa namin ay naglalakad na kami papuntang 7-11, nang pasimpleng inihulog ng aking kapatid ang mga ticket ng bus. Sa aking reaksyon masasabi niyo may pagka-konserbatibo ako pagdating sa pagkakalat ng mga dumi sa paligid. Medyo nairita ako sa aking kapatid dahil hindi naman niya kailangan pang gawin yun at maliliit lang naman ang ticket ng bus, pwede mo to dalhin kahit saan at kung maalala mo na meron ka palang ticket ng bus at may malapit na basurahan, e di dun mo na lang itapon.

Aaminin ko, na kapag pumasok ka sa aking kwarto daig pa nito ang siyudad na dinaanan ng bagyo sa kadumihan. Kalat ang mga gamit, minsan nasa sahig lang ang nagamit ko ng mga damit. Mga papel kung saan-saan nakalagay. Mga bag, plastic at kung ano-ano pang mga kalat. Minsan aakalain mong kaya ko mo ng makahuli ng bagong species ng mga insekto at bacteria sa loob ng kwarto ko. Pero kwarto ko ay kwarto ko. May mga taong pumapasok dito pero sobrang bihira lang ito. Pero ang kapaligiran ay hindi natin kwarto. Hindi rin sa atin ito. Kaya mahiya dapat tayo kung magkakalat tayo rito.

Sa Lakay may isa akong natutunan na tungkol sa pagkakalat at pagpapanatili sa ating kapaligiran na sa tingin ko ay importante. Kapag umaakyat kami ng bundok, meron doon tinatawag na trail. Maliit lang ang trail pero dito kami dumadaan. Kung nanonood kayo ng mga documentary sa pag-akyat ng bundok pansinin niyong mabuti na sa isang linya lang ang mga tao naglalakad. Hindi ito dahil sa maliit lang ang daanan, dahil ito sa LNT principle o Leave No Trace principle. Sinusubukan namin na kung ano ang itsura ng bundok bago kami dumaan doon ay ganoon pa rin ang itsura nito kapag umalis kami. Kung hindi maglalakad ang mga tao sa isang linya sa bundok, maraming matatapakan na halaman.

Hindi ko malimutan kapag umaakyat kami ng bundok at kumakain kami ng manok. Ang mga buto ay hindi namin binabaon sa lupa, binabalot namin ito ng maayos at inilalagay sa aming mga bag. Kahit mabigat pa ang mga bag namin, ganoon pa rin ang aming ginagawa. Importante, wala ka talagang makikita na dumi sa kapaligiran. Pangit naman kung aakyat ka ng bundok ay makakakita ka ng maraming kalat galing sa ibang namumundok. Nandun ka nga para lumanghap ng sariwang hangin at makaiwas sa kung ano man dala ng siyudad at yun pa ang makikita mo.

Sana ganito tayo sa ating kapaligiran. Kapag dumaan tayo, kung ano itsura niya bago tayo dumaan, ay ganoon rin ang itsura niya pag-alis natin. Yun lang naman. Kahit wag mo na pulutin ang mga basura sa paligid, wag mo na lang silang dagdagan. Kung yun lang ang kaya mong gawin, bakit hindi mo gawin. Pero masmaganda sana kung pulutin mo rin ang mga dumi na makita mo. Para sa akin kapag hindi ka nagtapon at kahit wag ka na magpulot isa ka ng huwaran na tao.

Isipin niyo lang, yung may silbi pa yung mga bagay na dala niyo nadadala niyo sila. Ibig sabihin madadala niyo rin sila kapag wala na silang silbi. Dalhin niyo sila hanggang sa makakita kayo ng tamang tapunan. Ang sinasabi kong tamang tapunan ay yung may mga basurahan na plastic, metal, o kahit ano pa, basta alam niyo naman ang tamang itsura ng basurahan. Hindi kasama rito yung kapag nakakita ka ng tambak ng basura e di dun ka na rin magtatapon. Wag naman ganon.

Kapag sumasakay ako ng bus, yung galing sa mga probinsya. Minsan naranasan ko na ako ang unang sumakay sa loob ng bus. Malinis, kaaya-aya at walang kalat. Nagkataon naman na ako rin ang huling bababa dahil hanggang sa dulo pa ako. Aba! Nung kaunti na lang kami sa loob ng bus, biglang prumeno, narinig ko at nakita ko ang mga 10 PET bottles ang nagsidulasan patungo sa paahan ng drayber. Nahulog pa ang cellphone ko sa sahig kaya kailangan kong pulutin at nakita ko ang katutak na mga plastic at papel. Siguro kung iipunin mo lahat ng mga kalat na iyon makakapuno ka na ng dalawang sako. Ang dumi!!!

Tama na nga... masyado na itong mahaba. Basta ang masasabi ko lang mahiya naman sana tayo, madali lang dalhin ang basura. Kung nadala mo ang bote ng C2 ng may laman pa siya mas kaya mong dalhin yan kapag wala na siyang laman dahil masmagaan na yan.

Hindi sa atin ang kapaligiran.

Nakikiraan lang tayo.

Huwag ka ng pumulot ng basura, pero wag mo itong dadagdagan.

Itapon ang basura sa tamang tapunan.

Respeto na lang sa ating kapaligiran.

mahiya! Mahiya! MAHIYA!!!

2 Comments:

Blogger Josiah said...

Ang bulok ng entry mo na ito!!!!

3:05 PM  
Anonymous Anonymous said...

This comment has been removed by a blog administrator.

2:26 PM  

Post a Comment

<< Home