Tuesday, February 28, 2006

Documentation, Pico de Loro Exposure Climb

Pagod at masakit ang aking mga balikat dahil sa kabubuhat ng mga mabibigat na back pack at masakit na rin ang aking puwet sa mahigit na isang oras na pagupo sa FX na nagmula pang Lawton at ngayo’y patungong Ternate, Cavite. Pero lahat ng sakit ay nawawala sa tuwing naaalala ko ang mga drayber na kausap si Yonna. Ramdam na ramdam ko, pinagkakaisahan siya at unti-unti nang napapamahal ang aming pamasahe.

Isa pa sa mga bagay na nagpapawala ng sakit sa katawan ay makita ang mga ilog na lubusan ng nadumihan dahil ito mismo ang tapunan ng mga basura ng mga nakatira rito. Maslalong nawala ang sakit nang Makita ko ang isang residente naghuhugas ng kanyang pinggan sa maduming ilog. Hindi niya ba naiisip na ang mga dumi mula sa kanilang pinagkainan ay nakakadagdag sa dumi ng ilog. Maisip niya rin sana na huwag na lang hugasan ang pinggan dahil marumi pa rin ito kahit na matapos pa siyang maghugas.

Nakita ko rin ang mga palayan na malapit sa mga ilog na ito. Kahit na ba isipin ko na sa ibang lugar sila kumukuha ng tubig para tubigan ang palayan, hindi pa rin mawala sa isip ko na may epekto pa rin ang tubig na galing sa ilog. Nandidiri ako, maduming tubig sa ilog patungo sa palayan, sunod naman ang palayan ay magiging kanin at kakainin ng mga tao. Sana mali ako sa iniisip ko. Sana walang magkasakit sa mga palayan na ito.

Tumigil na ang mga FX at kami ay bumaba na at nakikita na namin ang lagusan patungong Pico de Loro. Nagbayad na sa mga FX draybers at sila’y umalis na.

Kaunting stretching lang at nagsimula na kaming maglakad patungong jump-off. Sa unang sulong matarik at medyo hindi pa sanay ang aming mga katawan pero nang lumipas ang kinse minutos mukhang nakikiayon na ang aming mga katawan sa pagakyat.

Bahay na gawa sa kahoy ang nakita ko. Mukhang luma na ito pero dahil siguro lupa lang ang nakapaligid rito. Sa tabi nito merong umaagos na tubig mula sa isang mahabang tubo. Pagtingin ko nang malapit sa tubig napansin ko na malinis pala ito, pwedeng inumin pero nasasayang lang ito dahil tuloy-tuloy lang ang agos patungo sa lupa. Nakakapanghinayang, naiisip ko na lang ang mga taong namamatay dahil uhaw sa mundo.


Kumain na raw kami at sa isang tabi kami naupo at napansin ko ang mga sako ng mga PET bottles. Mainam nga ito dahil pinupulot nila ang mga dumi na mula sa mga tao at binababa pero sa pagkakatingin ko sa tipo ng pag-iipon nila hindi mukhang inipon ang mga ito, mukha itong basura. Napansin ko sa mga tambak na ito ay ang isang lalagyan ng instant noodles. Malamang naisip ng nagtapon nito na ang nakikita niya ay basura.

Mga aso at manok ang kalaban namin sa aming pagkain. Nakatingin at nagmamasid, nagbabakasakaling mabigyan o di kaya’y may mahulog sa aming pinagkainan.

Nagsimula na kaming maglakad at kahit na ba may mga dala kaming mabibigat na pack ay patuloy pa rin kaming naglalakad. Isang paa tapak rito at isa naman naman ay dito. Unti-unti ang usad, pero masmabuti na ito kaysa naman sa hindi umuusad.

Nang mapagod ang lahat, huminto kami para sa isang rest stop. Napansin ko mainam nga ang rest stop na ito dahil sa may puno sa gitna para aming masilungan mula sa mga sikat ng araw at mga bato para maupuan namin. Napansin ko rin na limitado lang rito ang mga patay na damo. Naaalala ko nanaman ang tinuro sa amin ni Lillian na sobrang dumikit na sa aking isipan, “minimum impact”. Sa tingin ko ganon na ganon ang nangyayari rito, limitado lang ang mga tinatapakan ng mga tao at kitang kita ang mga damo ay nasa maayos pang kalagayan.
Masaya na kami naglalakad at sa sobrang saya namin ay nag-aawitan na kami. Nasa isip ko na mabuti na yung masaya naglalakad kaysa naman sa boring. Pero hindi pala ito mainam dahil kami ay dahilan ng noise pollution na nagaganap sa burol. Nang mapansin ko ang hindi kanais-nais na ginagawa namin ay patuloy na nagsasalita sa aking isipan ang boses ni Lillian, “Minumum Impact! Minimum Impact! Mimimum Impact!”

Pagod na ako at mahirap ng maglakad pero ito naman ang isang troso sa aking harapan. Ano ba ang dapat kong gawin? Over o under? Tinanaw ko ang isand dulo ng troso, mga sanga, pagtingin ko naman sa kabila napansin ko na pinutol pala ito ng mga tao. Malinis ang pagkakahiwa sa puno na ito ngunit nakakaawa dahil sa nabawasan nanaman ang mga puno sa mundo at hindi man lang ito naging pakinabang sa sangkatauhan at naging pahirap pa ito sa aming paglalakbay.

Nakarating na kami ngayon sa aming campsite at nagayos na ng aming mga tent. Namasyal muna kami sa paligid ng aming campsite at tinignan kung ano ang mga narito. Maganda ang tanawin mula sa itaas na para bang ayaw mo na bumaba mula rito. Malinis ang kapaligiran at ibang iba ito sa siyudad. Pero hindi rin pala makakatakas sa katotohanan itong bundok na ito. Hindi rin ito nakaligtas mula sa malulupit na hagupit ng mga tao sa kanilang pagkakalat. Nakakita ako ng bote ng coke sa paligid, na mukhang tinago ng mabuti upang hindi makita ng iba pang umaakyat. Nakakaawa naman ang bundok mula sa mga taong ito.

Nagsimula na kami sumulong patungo sa pinakamataas na parte ng Pico de Loro. Napakaganda nga naman ng tanawin mula sa itaas. Sabi nga ng isa kong kasamahan na nakakaiyak daw ang tanawin.

Bumalik na kami sa campsite at kumain at natulog na para sa pakikipagsapalaran patungo sa baba ng bundok kinabukasan.
Nakahanda na ang lahat at nakakain na at simula na ng aming pagbaba. Habang papaalis pa lang kami ng campsite napansin ko na ang mga kasama namin na umakyat ay naghahanda na rin para umalis.

Nauna na kami pero makalipas ang ilang sandali ay nasa likuran na pala namin ang mga taong ito. Mukhang nainip na ang mga ito dahil sa bagal namin, walang paalam na dumiretso sila ng lakad paloob sa amin at ang iba pa sa mga ito ay nakatanggal ang pangitaas na damit. Huwag nilang sabihin na maganda ang hubog ng katawan nila ay may karapatan na sila na dumaan na lang ng basta basta sa amin. Pati hindi rin dapat nakahubad ang pang-itaas dahil malaki rin ang social impact nito kahit na ba lalaki pa sila. Sana lang matinik sila sa katawan o kaya masugatan sila ng mga grass blades.

Nang makarating kami sa dati namin rest stop, napakadumi na nito. Meron pang butane canister na naiwan dito. Lalagyan ng Jellyace at iba iba pang mga gamit.

Nagsimula na kami maglakad at napansin namin na may maliliit na dumi sa paligid. Pero nabigla ako nang makita ko ang isang malaking garbage bag sa daan na sigurado nagmula sa mga naunang mga tao sa amin. Sobra na talaga ang kasamaan nila sa kapaligiran.

Nakarating na muli kami sa jump-off at nakita na namin ang mga naunang mga taong umakyat. Nakahubad pa rin ng pang-itaas ang mga ito. Ngumingiti ngiti pa na para bang walang silang naitapon na basura.

Nauna na sila umalis dahil kami ay nagluto pa ng aming mga kakainin para sa aming tanghalian. Matapos kumain at muli makipagbaka sa mga aso at manok na nasa paligid ay bumaba na kami.

Nang nasa biyahe nalungkot nanaman ako nang makita ko ang mga ilog at mga taong nakapaligid rito.

Sana sa susunod ay hindi na ganito. Sana masmabait ang mga tao at masmalinis dahil tayo rin naman ang dumudumi ng kapaligiran na ito.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home