Monday, July 10, 2006

Bata Pa Ako Noon

Naaalala ko ngayon ang aking pagkabata.

Bata, onti lang ang alam pero maraming kakulitan.

Itong pangyayaring ito ay nangyari sa mga panahon kung saan hindi ko pa alam kung ano ang silbi ng brief. Lumalabas ako ng bahay ng walang brief. Tumatakbo ng walang brief. Naglalaro ng walang brief. At higit sa lahat nagluluksong baka ng walang brief.

May kinukuha ako sa aming bahay nang masangga ko ang isang kahoy sa aking paahan.

BLAG!!!

"ARAY!!!" sigaw ng aking kuya.

Nag-away kami at umiyak siya dahil may kalakihan ang kahoy na bumagsak sa kanyang paa.

Malakas ang ingay na nagawa ng kahoy kaya napansin din ito ng aking itay.

Dali-dali itong umakyat at nagtungo sa aming kinatatayuan.

Sumbong ang aking kapatid.

"Si Sai, hinulugan ako ng kahoy sa paa."

Sagot ko naman "Hindi! Hindi!"

Maiyak-iyak na ako dahil alam ko na ang susunod kung mapatunayan kung talaga bang plinano ko ang pagbagsak ng kahoy sa paahan ng aking kapatid. Hindi ko iyon plinano, kaya pilit kong sinasabi at pinapatunayan na hindi ko plinano ang mga pangyayari.

Simple lang ang tugon ng aking itay.

"Sinasadya mo ba o hindi mo sinasadya?"

Napatigil ako at nag-isip.

Malalim.

Masmalalim.

Ano ang ibig sabihin ng "sinasadya"?

(Habang umiiyak at nag-iisip ng malalim.) "Sinasadya", mukhang may relasyon ito kung plinano ko ba ang nangyari o hindi. Pero masmukhang may tunog siya ng hindi plinano. Alam ko na, "Sinasadya" kaparehas lang siya ng hindi plinano.

Kaya inipon ko ang aking lakas, huminga ng malalim at taas nuong sinabi na may paninindigan "Sinasadya ko po."

"Sinasadya mo?" medyo may pagtatakang tanong muli ng aking itay.

"Opo. Sinasadya ko po." Muling tugon ko na may paninindigan at ngayon may tiwala sa sarili na hindi ako mapapalo dahil sinabi ko ang katotohanan.

Tugon ng aking ama "DAPA!!!"

Nagulat ako, naiyak lalo at nagmakaawang sinabi sa aking ama "Sinasadya ko po. Sinasadya ko po."

"DAPA!"

Labas ng sinturon, wala na akong magagawa kailangan ng dumapa.

"Sinasadya ko po. Sinasadya ko po." Nagmamakaawa habang dumadapa.

WHAPAK!!!

"Alam mo Sai dapat hindi mo sinasaktan ang kapatid mo. Kahit ano pang rason." Pangangaral ng aking ama.

"Hindi naman kita papaluin kung hindi mo sinasadya ang nangyari, pero sinadya mo."

At dahil sa pangungusap na iyon, nalaman ko na kung ano ang tunay na kahulugan ng "Sinasadya".

Nag-ipon nanaman ako ng lakas, huminga ng malalim at para malaman ng aking ama ang katotohanan taas nuong sinabi ko na may paninindigan "Hindi ko po sinasadya."

"Akala ko ba sinabi mo sinasadya mo? Niloloko mo ba ako? Nagsisinungaling ka pa ngayon."

WHAPAK!!!

Natapos na ang pangangaral.

Wala akong natutunan na bagong moralidad matapos ang masakit na pangyayari.

Pero may natutunan ako. May mga salita na masakit malaman ang kahulugan, hindi mo man gustong tanggapin ang sakit pero kailangan tanggapin dahil kailangan mo ng malaman ang kahulugan.

Sa akin ang salitang iyon ay "Sinasadya".

ISANG BAGAY NA HINDI MO DAPAT MALAMAN
Wala akong brief ng mga panahon na iyon.

2 Comments:

Blogger Unknown said...

oww

1:44 AM  
Blogger HappyPilgrim said...

haha! grabe sai...pnahirapan mko sa pgbbsa ng mga blogs mo..tgalog na tgalog! hehe..pero in fairlaloo...nkktawa. =) nga pla...may kamandag ba ang barakuda? =P

12:32 AM  

Post a Comment

<< Home