Friday, December 30, 2005

Hanapan sa Net

Babala: May kayabangan itong post na ito.

Nasubukan mo na ba hanapin ang pangalan mo sa mga search engines?

Matagal ko na itong ginagawa. Ang pangarap ko ay lumabas ang isang resulta na ako talaga ang tinutukoy na tao.

Nagsimula ito nung high school pa ako at sa bawat paghahanap ko noon, dismaya lang ang aking nakukuha dahil wala man lang niisa ang lumalabas na ako. Wala naman ako magawa... Gusto ko may lumabas na ako.

Pero ngayon, kung ilalagay mo sa search engine ang pangalang 'Josiah Sicad' lumalabas na ako. At hindi lang iyon, ako pa yung nasa itaas ng listahan. hahahahahaha! (Mayabang na tawa) At ang isa sa mga search engine (google.com) na iyon... itong blog ko ang nasa pinakataas. Sikat na talaga ako! hahahahahaha! (Mayabang na tawa ulit)

Alam ko marami sa inyo rin ang nasa itaas din ng mga listahan na ito, pero wag muna kayo manggulo. Akin lang itong section ng blog na ito.

Listahan sa araw na ito ng mga resulta na ako ang lumalabas, kapag nilagay mo 'Josiah Sicad'.
Click niyo lang yung link sa baba para makita na totoo ang mga sinasabi ko.

Google
(1) Kamandag ng Barakuda (Blog ko ito! Sarili kong gawa! Iba na talaga ang kamandag ko. hahahah!!!)
(2, 3) 4th placer sa open design ng Zilog! (Isa ako sa grupo ng mga studyante na nanalo sa isang contest, san ka pa!)
(6) AHEAD PASSERSLIST 2001 (Kumuha ako ng review sa AHEAD+ para sa UPCAT, e pumasa sa UPCAT, ginamit nila pangalan ko para dumami yung listahan na pumasa na galing sa kanila. hehehehe!)

Yahoo
(1) Yung Zilog ulit pero news siya sa site ng laboratory namin.
(5) AHEAD PASSERSLIST 2001 (Ginamit nanaman ako)

Altavista
(1) Zilog nanaman
(5) AHEAD (gamit na gamit na ako)

MSN
(1,2) Zilog
(3,4) ECE Conference (Nag-talk ako sa harapan ng maraming studyante at propesor about sa ginawa ko para sa laboratory... San ka pa?! Pwede pala ikwento ito... may kalokohan din ako ginawa rito e. hehehehe!)
(5) Listahan ng miyembro ng laboratory kung saan ako kasali sa UP Diliman.
(8) AHEAD nanaman (Abuso!)

WAHAHAHAHA!!! Lumalabas na rin ang pangalan ko sa mundo.

New goal, pupunuin ko ang bawat page na yan na ako lang!!!

Tama na nga. Baka matamaan pa ako ng kidlat sa ginagawa ko. hehehehe!

My New Year Resolution

1280 by 960

Thursday, December 29, 2005

Tara! Kain Tayo ng Tae

Nung isang araw mga bandang 1am na, nakatambay lang kami ng mga kalaro ko dati sa labas ng nagkayayaan sa mister kababs sa may delta.

Dito lang kami sa may Bago Bantay nakatira kaya malapit lang kami sa delta. Sa mga hindi nakakaalam, sa likod lang ito mismo ng SM North.

Nagtaxi kami papuntang delta.

Pagdating dun, naghintayan muna kami at ng makarating na ang lahat binigay na sa amin yung menu.

Unang beses ko pa lang dito at hindi ko siyempre alam kung ano ang itsura ng pagkain dito. Lahat ng mga kasama ko nag-order ng Chelo Kabab. Ito na rin ang inorder ko dahil sa wala akong alam.

Tinanong ko kung ano yung Chelo Kabab.

"Masarap yun." Sabi ng isa.

"Oo nga, maslalo na pagnilagyan mo nung garlic sauce at chili sauce." Tugon ng isa.

"Ano naman itsura nun?" Tanong ko.

"Mukhang tae." tapos tumawa ng malakas.

Akala ko nung una biro lang ito sa akin, ngunit pagdating ng inorder namin na pagkain. MUKHANG TAE NGA!!!

Kuhang kuha ang pagka-tae ng tae. Yung matigas-tigas pa. Ang kahabaan ay mga 5 inches at mukhang tinusta pa ito kaya dark brown pa ang kulay nito.

May kasama itong dalawang kamatis at isang tasa ng kanin. Kahit na meron pa itong mga kasama, hindi talaga mawala sa aking isipan ang tae sa harapan ko.

Nagsimula na kumain yung iba, hinati-hati muna nila yung tae tapos binudburan ng garlic sauce at chili sauce. Wala na akong nagawa kung hindi kumain na rin dahil na-order ko na ito.

Hinati-hati ko na rin yung tae. Isipin mo na lang kakain ka ng tae, nakakadiri. Nilagyan ko ng garlic sauce, hindi ko nilagyan ng chili sauce dahil hindi talaga ako nagchichili sauce.

Kahit hati-hati na ito, sa aking isipan tae pa rin ito. Pinilit kong mag-isip ng iba pang mga bagay. Hotdog ito, hindi tae. Pero nananaig pa rin ang Tae! Tae! Tae!

Unang subo ko, pilit pa. Tapos tingin sa mga kasama ko tapos ngiti pagkatapos lunukin.
Masarap naman pala kaya medyo ok na rin.

Dinaan ko na lang sa kwentuhan para mawala sa tae ang aking isipan. Mahirap talagang alisin sa isipan ko. Para akong nakakarinig ng mga taong nagrarally sa loob ng utak ko at sabay-sabay nilang binibigkas ang salitang "TAE! TAE! TAE!"

Habang nakikipagkwentuhan, hindi ko na lang tinitignan yung kinakain ko hanggang sa naubos ko na pala ito.

"Salamat at naubos ko na rin."

Matapos kumain at magkwentuhan ang lahat, umuwi na kami.

Pero hanggang sa ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala mukha talagang tae ang kinain ko. Buti na lang kaya pang iproseso ng utak ko na hindi talaga tae ang kinain ko.

Subukan niyo. Mister Kababs sa may delta, Chelo kabab yun kinain ko. Pero kung medyo extreme ka, orderin mo yung Special Chelo kabab, dalawang tae ang makukuha mo.

Monday, December 26, 2005

Ang Alamat ni Kamandag ng Barakuda

Isang araw bumili ako ng cellphone na nokia 3650, bagong labas palang itong model noong panahon na iyon. Ito ay ang aking unang colored na cellphone at nung araw na iyon pinag-experimentuhan ko kung paano ito gumagana. Nakita ko na medyo mabagal pala ang reaksyon nito at kahit papaano may ipagmamalaki ito sa mga nakaraan kong cellphone (3310,5110). Dumating ako sa punto na makita ko ang iba pang kakayahan ng cellphone ko, isa sa mga kakayahan nito ay ang BlueTooth. Ito ay isang paraan o mahika kung saan nakakapag komunika ang dalawang cellphone na hindi nababawasan ang iyong load. (Yun ang alam ko sa mga panahon na iyon).

Inintindi ko ng mabuti kung paano gumagana ang BlueTooth. Bakit? Libre kasi. Nagtitipid ako. Nalaman ko na kailangan pala na lagyan mo ito ng pangalan para malaman ng mga tao sa paligid na ikaw yun kung naghahanap sila ng mga BlueTooth. Nag-isip ako ng malalim. Ano ang pangalan na dapat kong ibigay sa BlueTooth ng Cellphone ko. Una kong naisip ang aking nickname, Sai, tapos lalagyan ko na lang ng 3650 sa dulo para malaman ng mga tao na medyo may kaangatan itong cellphone na ito. "Sai 3650" ang una nitong pangalan.

Nagdaan ang mga panahon at parang hindi ako nakuntento sa pangalan na ibinigay ko. Nag-isip akong muli. Ngayon masmalalim. Gusto ko yung pagnakita ng mga tao tatatak sa mga isipan nila. Wala talaga akong ma-isip. Kaya minabuti ko na lang palitan na lang ng kahit na ano ang pangalan. Napili ko naman ay "Katok ako!" Sa wala ba naman akong maisip, gusto ko malaman ng mga tao na maloko akong tao, masaya kasama at madaling lapitan. Ngunit hindi ata tugma ito sa pangalan ng nagdadala. Matino kasi ako...

Nagdaan muli ang panahon. Hindi nanaman ako nakuntento. Kailangan ng bago at mas-astig na pangalan. Nag-isip ulit, ngayon maslalong lumalim at masmatagal. Gusto ko ng tatatak sa mga isipan ng mga tao, nakakatuwa at may dating. Inisip ko kung manggagaling sa mga pangalan ng pelikula... Naisip ko "Anak ni Baby Ama", ngunit hindi ito sapat sa akin. May kulang. Gusto ko ng parang palabas ni Bong Revilla, pero may kakulitan katulad ni Bong Navarro.

Nag-isip ako muli....

Naisip ko na gusto ko sa dulo ay ang maririnig mo ang 'a'. Hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung bakit ko ba naisip yun. Dahil siguro ito sa dumikit sa aking isipan ang "Anak ni Baby Ama" may iba kasing dating sa akin ang titulo na iyon.

Nag-isip ako muli...

Gusto ko na mala-hayop ang pangalan... Ngunit anong animal naman iyon?

Isip muli...

Gusto ko na medyo wild at mabagsik. Pumasok agad sa aking isipan na dapat maKAMANDAG. Walang duda, dapat meron Kamandag sa pangalan. Walang duda na ahas dapat ang aking hayop. Ngunit "Kamandag ng Ahas", maling mali. Nawawala ang salitang 'a' sa dulo.

Isip muli...

Nood ng TV, discovery channel baka may mapulot. Wala....
National Geographic Channel. Wala muli...
Animal Planet na lang, lumabas ang mga isda... Tilapia, goldfish, electric eel, may lumabas pa na bibe. Ngunit hindi ito ang gusto ko. "Kamandag ng Tilapia", makulit at sa dulo may 'a', pero wala itong kamandag at uulamin ko rin ito balang araw.

Biglang lumabas ang BARAKUDA... mabagsik, maliksi, malakas at mabilis. Kinatatakutan sa karagatan. Ngunit wala rin itong kamandag?!?! Inisip ko muli, matagal akong nag-isip... Nakakatamad din pala mag-isip...

BARAKUDA!!! ikaw na ang hayop na hinahanap ko.

KAMANDAG NG BARAKUDA... mabagsik, maliksi, malakas, mabilis, dating ay parang pelikulang pinoy na ma-aksyon, may banat ni Bong Revilla at may kakulitan ni Bong Navarro. May epekto ba ito sa tao at didikit ba talaga ito sa kanilang isip... Ayaw ko na mag-isip, nawili na ako sa pangalan na ito... kaya ito na ang pangalan ko...

Dito na nagmula ang "Kamandag ng Barakuda" na patuloy na lumiligid-ligid kung saan-saan.

KATAPUSAN

Wednesday, December 21, 2005

Datengg Game

Nasali ako sa isang night event ng engg week at yun ay ang datengg game. Pinilit lang ako para sumali dahil hindi naman ako sanay sa mga ganon na klaseng mga laro. Mahiyain din kasi ako.

Yung gabing iyon kabado pa ako. Kasi naman kailangan daw nakasemi-formal e yung pagdating ko sa UP casual lang ako. Buti na lang dahil sa mga orgmates ko kumuha sila kung saan saan ng mga damit at sapatos at nung inassemble na namin semi-formal na ako...

Pero yung naghihintay ako sa lab namin, pumasok yung adviser namin at sabi niya kulang pa daw yung suot ko dahil wala pa daw akong pabango. At binigyan niya ako ng pabango niya... "Coolwater, Davidoff!" Yaman talaga ng teacher namin. Dun ko rin nalaman na meron palang tamang way ng paglagay ng pabango. Hindi lang dapat sa damit o kaya kung saan na lang. Kailangan pala sa mga pawis points.

Pumunta na ako dun sa Treehouse at nagkita-kita kami ng mga kaorgmates ko. Buti na lang andun sila kasi nakakawala ng kaba... Una yung babae mga searchee at isang lalaking teacher ng MMM department ang searcher... Sayang hindi nakuha yung sinali namin na babae... Matapos ang event na iyon kami naman mga lalaki....

Una pinakilala muna yung searcher.... Kate Villanueva daw yung pangalan... napa-isip tuloy ako kung sino siya at tinanong ko kung kakilala ng mga kasama ko. Sagot nila na hindi daw nila kilala. Yun pala, atenista siya. Matapos yun, introduce pa, health science daw ang course, member siya ng tatlong orgs sa ateneo at dahil sa mga orgs na iyon mukhang pre-med ang kinukuha niya.... pinapasok na siya ng mga emcee at ayun nakita ko na... nakapiring siya para ata hindi bias yung decision niya sa pagpili ng searchee.

Matapos ang pagpasok ng searcher e di kami naman mga searchee ang pinapasok. Una yung taga-ERG si Bernard Templo.... Aba! todo bigay ang emcee na babae at pinaghahalikan ito sa cheeks... sunod taga-ERG ulit ganon din ang ginawa. Game na game itong emcee na ito.

Sabi ni Lew, "Josiah, lagot ka!"

Oo nga lagot ako, dahil hindi pa ako handa sa mga ganitong sitwasyon... pero nung tinawag na ang org ko... tumayo na ako at paglapit ko dun sa emcee, tintry kong layuan siya kasi hindi ko alam ang gagawin ko. Ang ginawa naman ng emcee dahil matangkad ako tumalon talon ba naman sa harapan ko tapos tinatry akong ikiss.... natawa tuloy ako. Tinanong niya yung pangalan ko so sinabi ko yung pangalan ko. Binanggit ko nung una, mukhang hindi niya ata naintindihan kaya sabi ko ulit "Josiah". Sabi ba naman, "Diyos ko po!!!" biglang sign of the cross agad. hehehe! Banal naman kasi ang pangalan. Natapos na yung pagtawag ng mga searchee at mga 15 kami ata na searchee.

Sunod naman binigyan kami ng cards na may nakasulat na A, B o C. Multiple choice question kasi yung elimination round. Nakakatuwa yung mga tanong... Pero ang masnakakatuwa dun is yung searcher namin kasi sinubukan ko siyang intindihin kung conservative ba o hindi, at hindi ko siya maintindihan. Meron kasi mga tanong na conservative siya tapos nagkakaron ng mga tanong na maloko siya. Kulit talaga... kaya sobrang tsamba na lang talaga yung pagsagot ko.
Ang unang 3 searchees na makatama ng 5 questions yung papasok sa final round. Una naka 5 points ay yung IE club, tapos sabay kami naka 5 points ng MSS.

Habang naghahanda yung emcees para sa final round kami naman tatlo nagbatian at nagpakilala sa isa't isa. Yung sa IE club matagal na raw siyang sumasali sa datengg game, tapos yung sa MSS naman kakatapos niya lang daw magexam ng ES13 tapos sinabi na lang ng mga kaorg niya na siya daw yung kasali. hehehehe! Ako naman matagal na akong pinipilit ng mga kaorg ko, pero nung araw lang din na yun ko napag-desisyon na sasali ako.

E di simula na ng final round. Yung una tinanong kami ng emcee na babae kung ano daw masasabi namin dahil nakapasok kami, wala akong masabi na iba kundi masaya ako. Ang corny ko talaga nung araw na iyon.

Nagsimula na ang tanungan, unang tanong kung ano daw yung trip na buhok, hindi ko alam kung ano nangyari sa tanong na ito ngunit bigla na lang may nagsuggest na daanin na lang sa katawan. Sa isip-isip ko, WAAAAAGGG!!!! wala akong katawan na ipagmamalaki. So tinanong na lang yung searcher namin kung ano daw ang gusto niyang pagpilian, yung abs daw. Sa dami-dami ba namang pwede pagpilian bakit dun pa? wala talaga akong abs!!! yung una pinapunta yung IE club para hawakan yung abs niya, yung sunod naman yung MSS. Pagdating sa MSS, sabi nung searcher namin "Bakit parang hindi kayo humihinga..." natawa ang lahat pati ako, pero tinamaan din ako kasi yun rin ang balak kong gawin. E di oras na para ako na ang pumunta... wala talagang hingahan. Bigla ba naman sumigaw si Lew galing sa audience, "Josiah! Huwag kang HIHINGA!!!" kamuntik ko na mabitawan yung hininga ko habang pinapatigas ko yung tiyan ko. Loko ka talaga Lew!!! Matapos hawakan ang abs ko (kung yun ba ang matatawag mo dun sa tiyan ko) oras na para piliin ng searcher kung sino ang napili niya. Sagot ng searcher "Yung huli..." Sa akin yung napili!!! Kung makikita mo lang yung ngiti ko, may halong pagtataka. Kung pwede nga lang na magmukhang cartoons yung mundo ng oras na iyon makikita mo yung malaking question mark sa taas ng ulo ko...

Sunod na tanong, Kung mamamatay ka. Sa paanong paraan mo gusto mamatay? Ako yung unang pinasagot. Sabi ko "Gusto ko mamatay na nababangga ng kotse tapos agad mamamatay para wala ng sakit." Bigla ba naman nagcomment yung searcher "E di ang pangit mo naman!" Tablado ako agad ng searcher. Napahiya tuloy ako. Sunod naman sumagot yung IE club. Sagot naman niya gusto daw niya mamatay na kayakap daw yung searcher namin. Bigla ba naman may sumigaw sa audience "Mamamatay ka na nga lang isasama mo pa yung searcher natin!!!" Natawa talaga ako nun. Yung sunod naman yung MSS. "Gusto ko mamatay while saving a person's life." Sa isip-isip ko galing ng sagot non ah. Ayun tama nga ako. Siya nga yung pinili ng searcher namin.

Next question, Kung isa kang tao na hindi ikaw ngayon. Sino ka? Unang pinasagot yung MSS. Sabi niya singer daw ng Hale. Inisip ko na galing nito sumagot kasi sikat na tao yung pinili niya pati pinoy pa. Sunod naman ako... Tinanong ko muna sa emcee kung pwede bang hindi tao, naisip ko kasi na matry magpaka-mushy para maiba naman kaya naisip ko na maging angel para mabantayan ko yung searcher. Sagot naman ng emcee "Tao nga e!" Pahiya nanaman.. kaya nag-isip ako ng iba, naisip ko na tama na ang pagka-mushy, oras na magpakatotoo. Kaya sinabi ko na FBI Agent, para adventurous pati kayang protect yung mga tao na close sa kanya. Ito naman emcee, hindi pa ata nakuntento kaya talagang specific na tao ang gusto. "Wala naman akong kilala na FBI agent, kilala ko lang agent James Bond." Sagot nanaman itong si searcher "Hindi kaya FBI agent si James Bond..." Sa isip ko, "Maawa ka naman sa akin, dalawang magkasunod na tinabla mo na ako." kaya ginawa ko sa harap ng mga tao, nilagay ko yung braso ko sa mukha ko para kunyari umiiyak dahil napahiya. hehehe! sunod naman yung IE club, sagot niya na gusto daw niya maging presidente ng Pilipinas para makatulong sa mga tao. Masmabuti pa sila, ganda ng mga sagot ako tablado pa.

Tinanong na ng emcee kung sino yung pipiliin ng searcher. Sagot ng searcher "Gusto ko kasi si James Bond, pero..... (matagal na walang salita, nagiisip ata) Sige na nga si James Bond na lang." Ito nanaman ako, yung ngiti na may malaking question mark sa taas ng ulo ko. Kakaiba talaga itong searcher na ito, matapos kang tablahin kaw pa yung pipiliin. Nakakatuwa talaga yung seacher sobrang unpredictable.

Next question, Kunwari nagdate na kayo ng searcher natin. Habang kumakain, napansin mo na may kulangot siya sa ilong, paano mo sasabihin sa kanya na meron nga siyang kulangot sa ilong? Ako unang pinasagot. Wala na talaga akong maisip na ibang paraan, practical na itong sagot ko. "Kukuha ako ng tissue, kukuha ako ng ballpen, susulat ko na may kulangot siya sa ilong tapos sasabihin ko na 'You have something on your face'. Bibigay yung tissue para mabasa yung sinulat ko tapos pwede na niya rin gamitin yung tissue para matanggal yung kulangot niya." Meron nanaman sumagot sa audience "Paano kung walang tissue? Paano kung wala kang ballpen?" Natabla na akong dalawang beses ng searcher, natabla na ako ng emcee isang beses, hindi mo ko matatabla ngayon....hahahaha! So habang binibigay ko yung microphone sa susunod na sasagot sa akin, sinabi ko ng mahina na "Huwag ka nang makialam." Sunod yung MSS. Sasabihin niya daw dun sa searcher na "Singa ka nga, parang may sipon ka kasi e." Yung sumunod naman yung IE club. Sabi niya na kakantadaw siya dun sa searcher tapos hahawakan yung hair, hahawakan yung pisngi tapos tatanggalin yung kulangot. Yung audience, biglang nandiri. Kahit ako medyo naabnoy dun. hehehe! Pinapili na yung searcher "Gusto ko yung tissue..." hehehe! hindi na ako tablado pero ako yung napili!!!

Nagtataka ako bakit yung mga kasama ko nagsisitalon... Yun pala ako na yung nanalo. hanggang tatlo lang pala yung tama na sagot na kailangan makuha tapos panalo ka na. Ito nanaman ako, ngiti na may malaking question mark sa ulo... Hindi ko ineexpect ako yung mananalo. Sumali lang ako para sa org ko tapos ako pa yung mananalo. So pinatayo na yung dalawang kasama ko na searchee tapos pinapunta dun sa searcher para makita niya. Tumingin ako ulit sa mga kasama ko. Ginagawa nila hinahawakan nila yung dulo ng mata nila tapos nagpapasingkit. Yung una hindi ko magets bakit, yung oras ko na para makita yung searcher naisip ko na kung bakit sila gumaganon. Singkit nga yung girl. hehehehe! matapos kong ibigay yung rose na binigay sa akin ng host na org (49ers) beso beso. Tapos picture kaming dalawa. Sayang nga e. wala akong copy nung picture, worth while kasi yung experience na sumali dun sa datengg game.

Sabi sa amin na mag-usap daw kami nung girl para daw masked namin yung date namin. Sosyal yung date ah. Dun sa may greenbelt, tapos dun sa may Museum Cafe. Astig yung sponsor. Nag-usap nga kami nung girl sabi niya gutom na daw siya kasi daw hindi pa daw siya kumakain. Yun pala meron pala siyang food na kinakain bago siya tawagin. So bumaba kami, pumunta kami kung san siya kumakain, nag-usap kami ulit dun. Ako naka-upo lang siya naman kumakain. Sabi niya sa akin na nahihiya daw siya kasi kumakain siya ako hindi, binibigyan niya rin ako ng food niya. Sabi ko naman sa kanya na ok lang na kumakain siya at ako hindi... pero iniisip ko na awkward talaga yung position kasi ngayon lang kami nagkakilala tapos kumakain siya habang tinitignan ko siya while talking. Kahit ako ayaw ko malagay sa ganon na sitwasyon. So biniro ko na lang siya na hindi ako titingin. Tinakpan ko yung mga mata ko para hindi siya mahiya sa akin... Kulit ko talaga nung gabing iyon... So ayun nasked namin na friday night daw yung date.

Nalaman ko rin na yun ding araw na yun siya pinilit ng 49ers na siya yung searcher. E wala na daw choice kaya siya na lang yung pinili. Hiningi ko yung number niya sa cel.

May mali nga akong nagawa nung gabing iyon e. Kasi naman yung binigay sa akin na pangalan ng kaibigan ko na spelling ng kate e "keith". So yung tinext ko siya yung nilagay ko na name "keith". Magtetext ka na nga lang paltos pa. Nalaman ko na lang na mali yung pangalan na nailagay ko is yung tumingin ako sa friendster nilagay ko na pangalan keith at puro lalaki ang lumabas. Maling mali talaga!!! Hanggang sa text ba naman mapapahiya pa ako!!! Yung nilagay ko na kate ayun puro babae na at nakita ko na siya.

Sa kasamaang palad hindi natuloy yung date kasi daw may gagawin daw sila ng org niya. Ako naman nasasayangan kasi gusto ko maging kaclose yung girl mukha naman kasi siya masaya kasama. Pero ok na rin save ko na lang yung pangdate para sa valentines kung magkaron ako ng kadate pagmalapit na valentines, pero kung wala talaga e di maghahanap na lang ng kaibigan na babae.

Magkakano ang isang bareta?

Dahil sa isa akong apo, inutusan ako ng lola ko noong isa pa akong first year high school na bumili sa tindahan ng isang bareta ng sabon panglaba. Laki ako dito sa maynila pero sa panahon na iyon nagbabakasyon ako sa Iligan City, Lanao del Norte.

Galing sa bahay naglakad ako patungo sa tindahan at pagdating doon dali-dali akong nagtanong sa ale kung meron ba silang isang bareta ng tide. Sagot naman ng ale "Size..."

"Isa lang pong putol. "

"Size..."

"Isa lang pong putol ng bareta ng tide..."

"Size..."

Nagtaka na ako noon kung bakit ba lagi na lang niya ako tinatanong kung anong size ng bareta ang bibilhin ko. Medyo inis na ako non at kunot nuo pero dahil kinailangan ko bumili ng isang bareta ng tide e di pilit ko pa rin sinasabi dun sa ale...

"Yun pong mahabang bareta, putulan niyo lang po ako ng isang parte..."

"Size...."

Ang hina siguro ng kokote nito kaya hindi niya magets ang gusto kong bilhin...

Hindi ko na kaya ito, kaya naisipan ko na lang na magbingi-bingihan...

"Ano ho yon?"

"Size..."

"Ano ho?"

At binago niya ang kanyang pananalita dahil siya rin ay katulad kong naiinis na..

"SSSSS-AAAAAA-YYYYY-III-SSSS!!!!! SSSSIIIIIIXXXX!!!!"

"AAAAAAHHHH!!!! SIX!!! SAIS pala!!!"

Kasi naman lumaki ako dito sa maynila tapos dun ako pinabili sa bisaya na ale. Mabuti na lang marunong din siya mag-english at nagkaintindihan din kami sa wakas.

My First Blog

This is actually my first blog. I'm not really good at writing in english but still i'm going to try. Any comments or suggestions will be happily accepted. Those will actually help me improve on how I will post this blog of mine. I hope many will read and will keep on reading this blog even though i'm getting bored right now in writing this paragraph.
Thank You,
kamandag_ng_barakuda