Tuesday, March 28, 2006

Duguan

Opo, isa po akong biktima ng akademiya.

Simula pa ng tumungtong ako ng apat na taon, pumapasok na ako limang beses sa isang linggo.

At ngayon bente anyos na ako, pagod na pagod na ako. Parang sawa na ako. Kailan kaya matatapos ang paghihirap na ito.

Isipin niyo lang ng mabuti... (sorry medyo madugo itong computation na ito)

Bente na ako ngayon. Apat na taon akong nagsimulang pumasok. 16 years na ako nag-aaral.

June to March ang klase ng prep, kinder, elementary at high school.

June: 30 days
July: 31 days
August: 31 days
September: 30 days
October: 31 days
November: 30 days
December: 31 days
January: 31 days
February: 28 days
March: 31 days

Assuming na meron 4 na sabado at linggo bawat buwan at meron dalawang linggo ng Christmas break.

30+31+31+30+31+30+31+31+28+31-10*(4*2)-14 = 210 araw ang pasukan sa isang taon.

At dahil pala-absent ako nung bata pa ako, mababawasan pa iyan ng mga 15 absences bawat taon.

210-15 = 195 araw bawat taon ako pumapasok simula apat na taon hanggang disi-sais anyos ako.

(16-4)*195 = 2340 araw ako pumasok noon.

Sa kolehiyo pumapasok ako ng summer classes dahil isa akong pasaway na studyante at nadadali ako sa aking mga aralin.

Ang summer ay umaabot ng 30 days na pagpasok. Tatlong beses akong nagsummer.

3*30 = 90 araw ako pumasok para sa summer.

195*4 + 90 = 870 araw akong pumasok sa buo kong pagka-kolehiyo.

Suma-tutal 3210 days na ang pinundar ko sa pagiging studyante ko.

AYAW KO NA!!!

Pero ito pa rin ako nag-aaral para sa dalawang exam ko bukas, dalawang papers na kailangan ipasa sa lunes at isang project na kailangan din ipasa sa lunes.

Bakit naman kasi meron mga tao dati na yung pinag-aaralan natin ngayon ay past time lang sa kanila. Kasi naman bakit pa kasi nagawang past time ang paggawa ng computers e.

Tama na nga ito mag-aaral na ako ulit. Duguan na kasi ako dahil hirap intindihin yung pinag-aaralan ko.

Monday, March 27, 2006

Bakit Ba Ako Isang Computer Engineer?

Matapos kong pangarapin na maging isang katulong, janitor, waiter at tagapagbantay sa sinehan para lang makapanood ng libre ay ninais ko ng magbago ng kapalaran.

Nasa high school pa ako noon, hindi ko alam kung anong kurso ang kukunin ko sa kolehiyo pero kailangan ng malaman kung ano, malapit na kasi akong magfourth year high school.

Maraming nagsasabi sa akin na kunin ko raw ay Computer Engineering dahil daw magaling daw ako sa computers, pero sa tingin ko naman bulok talaga ako dahil marami akong hindi nagagawa. Pero sa tingin ng iba, mahirap na ang ginagawa ko dahil bago pa nila malaman ang powerpoint ng microsoft ay alam ko na kung paano ito kalikutin.

Sinabi ko sa aking sarili na hindi ako padadala sa mga sabi-sabi ng iba, pero kukunin ko kung ano yung gusto ko, pati kung saan ako masaya. Pero hindi ko talaga alam kung ano ang gusto kong kurso.

Naisipan ko na mag-tourism na lang. Tutal naman sa bahay lang ako parati, gusto ko naman makapamasyal. Pero parang kulang pa rin.

Naisipan ko naman na mag-business administration pero iniisip ko palang dumudugo na ilong ko.

Na-upo ako ng matagal sa aking kama at nag isip-isip at nagmuni-muni. Kung saan-saan na nakarating ang aking isipan pero wala talaga akong maisip na magandang kurso para sa akin.

Nagresearch ako sa internet kung ano ang tamang pagpili ng mga kurso at nalaman ko na karamihan pala sa mga engineering ay kinuha ang kanilang kurso dahil gusto nila maging engineer. E ako? Hindi ko naman ginusto maging engineer.

E kung magmath na lang ako? Tutal naman isa ako sa marunong talagang magmath sa klase namin. Pero ayaw ko nga, kurso iyon ng nanay ko nung kolehiyo pa siya kaya ayaw ko pati hindi ko makinita ang aking kinabukasan sa pagsabi na "Wow! Ang saya-saya pala magmath! Ang cool ng theory ni ganito at ang theory ni ganyan." Hello sa mga geeks sa mundo! (Sana makalabas pa ako ng math building ng buhay)

Ano ba talaga? Ano ba ang gusto ko kunin pagdating sa kolehiyo.

E kung maging isang mechanical engineer na lang kaya ako, para kapag nagkatrabaho na ako bibili ako ng kotse tapos kapag nasiraan ako sa gitna ng kalsada alam ko kung ano ang dapat kong gawin. (Alam ko hindi lang kayo mekaniko, mga mechanical engineer.)

May isang araw, nanood ako ng telebisyon. At ang aking napanood ay sobrang nagpabago ng aking isipan. Simula sa mga oras na iyon, sigurado ako, computer engineering ang magiging kurso ko. Wala na itong duda, wala na itong urungan. Mahirap kung mahirap. Laban hanggang sa kamatayan.

Ang napanood ko ay "GUNDAM WING!!!"

Ano? Makikialam ka? Sabihin mo na pambata ang isipan ko. Sabihin mo sino naman ang luko-luko makakaisip na kumuha ng computer engineering dahil sa gundam? Parang ang layo naman ata.

Ito lang ang masasabi ko sa mga katulad ninyo, "Kamusta kayo? Ako ang luko-luko na makakaisip na kumuha ng computer engineering dahil sa gundam."

Naisip ko lang na ang astig naman kung meron mga robot na naglalakad diba? Pati mga paa lamang ang nakakapag-adapt sa kahit na anong klase ng daanan. Mapaglubak man o patag. Paa lang ang kayang gumalaw ng matino.

Kaya ito ako ngayon, isang computer engineer. Nagpapakabaliw at nagpapakalubog sa mga aralin tungkol sa electronics.

Inaamin ko mahirap pero masaya naman ako sa ginagawa ko. Kaya wag ka ng makialam. Blog ko ito.

Monday, March 13, 2006

Pangako

Noong simula ng selebrasyon ng anibersaryo ng Circuit ako, kasama si Tipz, ang bumili ng mga inumin sa coop na matatagpuan lamang sa gilid ng shopping center.

Nakabili na kami ng mga inumin. Napakarami nito kung kaya't sa pagbuhat palang ay napagod na ako. Mabuti na lang nandiyan sila Oliver at sa sasakyan niya na lang namin dinala ang mga inumin dahil sa masmalapit ang kanyang sasakyan kaysa sa sasakyan ni Tipz.

Pabalik kami ni Tipz sa sasakyan niya ng mapansin namin ang isang bata na naka-abang para kunwaring tutulungan ilabas ang kotse ngunit sa totoo lang ay gusto lang nila humingi ng pera, kahit kaunti lamang.

Usapan namin ni Tipz na huwag na lang bayaran ang bata dahil hindi naman talaga ni Tipz kailangan ng tulong para ilabas ang kanyang sasakyan at baka hindi lamang niya sa pagkain ito ilagay.

Pumasok na si Tipz sa harapan at tinanggal niya ang lock sa puwesto kung saan ako uupo, ito ay sa harapan din. Umupo na rin ako at isinara ang pintuan.

Napansin ko muli ang bata sa tabi ko naman nakatayo. Medyo nagaalala pa ako sa kanya dahil baka mabangga siya dahil sa lapit ng kanyang pagkakatayo sa sasakyan.

Paalis na kami at napansin ni Tipz na nandun pa rin sa tabi ko ang bata, pero iba na ata ang pakay nito. Kinakatok niya na ang bintana sa puwesto ko.

Laking gulat ko na lamang na napansin ko kung ano yung ginagamit niya sa pagkatok ng bintana. Hindi ako nagkakamali. Kahit bulok bulok na ito sa labas na anyo, walang duda cellphone ko iyon pinangkakatok niya.

Dali-dali kong binuksan ang pintuan at ito naman ay kanyang inabot. Sobrang laki ng pasasalamat ko sa kanya. Mga tatlong beses ata ako nagpasalamat. Sa mga oras na iyon gusto ko siya bigyan ng pera dahil alam ko wala na akong ibang paraan para masuklian ang kabutihan ng kanyang ginawa, siguro meron pa pero hanggang ngayon wala pa rin akong maisip, pero wala naman akong dalang pera.

Mabuti na lang nagbigay si Tipz ng limang piso para sa bata. Alam ko hindi kapantay iyon sa kabutihan ng bata, pero wala na talaga ako mabigay. Gusto ko man ipamalita sa telebisyon na meron din isang bata sa likod lamang ng shopping center ang sobrang bait na ibinalik niya ang cellphone ko kahit na ba may malaking pagkakataon siyang itakbo ito, pero sigurado ako walang magkakagusto sa istoryang ito sa kompanya ng telebisyon.

Kaya ito ako ngayon, nagsusulat, dahil kahit hindi niya alam itong pangako na ito. Gusto ko malaman ninyo na pangako ko sa kanya ay gagawa ako ng isang post alang-alang sa kanya na walang hininging kapalit at walang pag-aalinlangan isinauli ang cellphone ko.

Bata, maraming salamat.