Wednesday, January 25, 2006

Baha

Kararating ko lang ng UP ng mga bandang 7:30 ng umaga at ang unang bumati sa akin pagpasok ko ng IRC (Instrumentation, Robotics and Control) Laboratory ay tubig na nakakalat sa sahig.

Bumabaha sa loob ng kwarto!!! Hindi ito ganon kasimple para sa kwarto na ito. Una, dahil sa marami kaming computer na hindi dapat mabasa at ang lahat ng mga ginagawa namin ay nakalagay rito. Ikalawa, maraming nakakalat sa sahig na mga equipment at mga bagay-bagay na kailangan namin para sa isang eksperimento. Huli, MAY MGA SAKSAKAN SA SAHIG!!!

Mag-isa lang ako kaya nag-isip ako kaagad kung ano ang dapat kong gawin.

Ikaw ba naman batiin ng tubig na may kuryente, magdadalawang isip ka talaga pumasok sa kwartong ito. Paano ba naman halos kalahati na ng lab yung baha. Nakakadagdag pa roon ay galing sa water dispenser yung tubig at nakasaksak rin ito.

Una kong ginawa pagpasok ko ay hinay-hinay akong naglakad patungo sa water dispenser para tanggalin ang pagkakasaksak nito. Matapos kong gawin ito at dahil isa akong bibong bata kumuha ako agad ng multimeter at sinukat ko kaagad kung ilang boltahe ba ang meron sa tubig.

Nang makita ko na wala naman dumadaloy na kuryente sa tubig ay bumaba ako kaagad kay Ate Babes, ang dakilang guard ng EEE, at humiram ako ng basahan. Wala daw siyang basahan at sabi niya meron daw ang mga janitor. Lapit naman ako sa isang janitor at tinanong ko kung pwede ba akong tulungan sa pakikibaka ko laban sa baha sa loob ng laboratoryo. Pumayag naman ito at sabi na may tatapusin lang siya bago umakyat.

Nauna na ako. Pagakyat ko ay inayos ko na ang mga upuan at mga kung ano pang mga bagay-bagay na makahahadlang sa pagpupunas namin ng tubig sa sahig.

Dumating na si ate, sa mga panahon na ito hindi ko pa alam ang pangalan niya. Nahiya naman ako at tinanong ko ang kanyang pangalan. Ate Vergie daw. Masaya pala magkaron ng baha ang IRC dahil meron akong bagong nakikilala na tao.

Tuloy kami sa aming pakikipagsapalaran. Maingat namin pinunasan ang sahig na malapit sa mga saksakan dahil nakakatakot. Basa na ang paa namin at basa rin ang mga kamay namin. Onting tulak lang sa tubig patungo sa saksakan, sigurado kilig ang aabutin.

Matapos ang pagpunas, sinabi sa akin ni Ate Vergie na buksan ko raw ang aircon para mawala kaagad ang mga tubig na natira. Ginawa ko naman ito at lumabas na si Ate Vergie.

Buti naging maayos ang lahat, maya-maya sasabihin ko sa pagpupulong sa lab ang mga pangyayari at para maiayos na rin ang water dispenser. Mahirap ang walang tubig, maslalo na sa overnights.

Friday, January 13, 2006

Ano?

Masinsin akong nag-aaral habang nakaupo sa loob ng IRC laboratory.

Tahimik ang paligid ng biglang pumasok ang iba kong kasamahan. Kakatapos lang ng exam nila kaya sila'y naguusap tungkol rito.

Meron mga naiinis at meron din masaya. Ganyan talaga ang mga exam rito, hindi malaman minsan kung madali lang o hindi.

Usap, usap, usap...

Katulad ng isang ordinaryong usapan, napupunta kung saan saan ang kanilang pinag-uusapan. Sa panahon na iyon sila ay napatungo sa mga palabas sa telebisyon.

Nag-usap si Shiela at si Sheryll tungkol sa Jewel.

Sumingit si May, "Nanonood kayo ng Jewel? (1 second pause) Ayoko simulan."

Sagot naman ni Sheryll "Sino si Mulan?"

Napatigil at tumahimik ang lahat sa tanong ni Sheryll. Parang walang humihinga.

Wala naman kasi mulan sa Jewel, si Mulan ay isang Disney character.

Nagtawanan bigla ng malakas ang lahat. Kahit ako na medyo malayo ang inuupuan ay napatawa rin.

Pagkatapos kong tumawa at nakabalik na ako sa katinuan, tama nga naman ang tanong ni Sheryll. Pwede naman kasi "Ayoko si Mulan" ang interpretation niya.

Matapos ang lahat, balik trabaho na ulit ako.

Tuesday, January 10, 2006

Cardigan

Kahapon ng umaga, Monday January 9, 2006 , kakasimula pa lang ng araw ko, lumabas na ang kabobohan ko.

Meron kasi kami kailangan ipasa sa BA192 na tatlong proposals, pero ang nagawa namin ng aking mga kagrupo ay apat. 7 ng umaga ang BA192, kaya ito ang una kong klase. Kailangan kong makipagkita sa iba kong mga kagrupo para malaman kung alin sa mga proposals ang kailangan tanggalin.

Isang problema lang, isa sa mga kagrupo ko ang hindi ko kakilala. Kung nabasa niyo yung "Bulag, nagwindow shopping" malalaman niyo na nagkita-kita kami nung biyernes pero tatlo lamang kami nun at wala yung isa. Ang isang ito ay si Jem, ang mystery groupmate ko. Ang kaisa-isang link ko sa kanya ay si Edz, na isa rin kagrupo namin na nung biyernes ko lang nakilala. Wala si Edz nung umaga na iyon dahil may sakit siya.

Problema talaga... Nagtext sa akin si Jem habang nasa jeep pa ako at tinanong niya kung paano daw yung proposals namin. Sinabi ko yung problema namin, tinanong ko na rin siya kung saan siya nakaupo at ano yung suot niya dahil hindi ko siya kilala.

Sagot ni Jem "Malapit sa pintuan. Black cardigan po suot ko."

Ano naman yung cardigan? tanong ko sa sarili ko... ang bobo ko talaga pagdating sa mga damit, hindi ko alam ang tawag sa mga damit. Alam ko lang na cardigan e yung "The Cardigans", hindi naman damit yun, banda yun e.

Inisip ko dahil malapit lang naman siya sa pintuan e di hindi ako magkakaroon ng problema kasi malamang siya lang yung nag-iisang nakablack.

Pagpasok ko, nagtuturo na yung prof, dun ako dumaan sa likod na pintuan at ang una kong nakita ay dalawang babae na naka-kulay black!!! Sino kaya sa dalawang ito si Jem. Umupo ako katabi ng pinto para tanungin yung katabi kong babae na nakakulay black. Sa aking pagupo napansin ko na meron din palang babae na naka-black dun banda sa pintuan sa harapan.

Hindi ko na alam ang aking gagawin. Puro sila nakablack at puro sila malapit sa upuan!!! ANO BA YUNG CARDIGAN!?!?!? yun na lang ang only clue ko, pero wala talaga akong alam.

Tinanong ko yung katabi ko "Ikaw ba si Jem?" Sabi niya hindi daw siya yun.

"Kilala mo ba kung sino si Jem?"

"Hindi rin e, onti lang yung kakilala ko dito sa klase e."

Sa isip-isip ko ano ba tong napasok kong gulo. Hindi na ako naglakas loob na magtanong sa katabi ng katabi ko dahil nahiya na ako sa katabi ko (Shytype ako e.)

Naisip ko na itext ko na lang si Jem sinabi ko na "Uy sorry! Mahina ako sa mga words. Ano yung cardigan? Ako yung guy sa may pintuan sa likod." Kahit nakakahiya ipakita sa kanya ang pagkabobo ko wala na akong magagawa, kailangan na talaga malaman kung sino siya.

Nakiramdam ako kung sino si Jem. Wala sa kanilang dalawa pang mga prospect ko kung sino si Jem ang gumalaw. Matagal-tagal din nung gumalaw yung isa, yung katabi ng katabi ko, pagkuha niya ng bag niya sabi ko sa sarili ko na malamang ito na si Jem.

Pagkuha niya ng cellphone niya at nabasa niya yung text ko. Humarap na siya patungo sa pwesto ko at nalaman ko na siya pala si Jem.

Nakita ko na ang kasagutan sa katanungan ko. "Ano ba ang cardigan?" Ito pala yung suot niya. para palang siyang sweater na medyo masikip. Hanggang ngayon medyo vague pa yung pagkakaintindi ko sa ganitong klaseng pananamit pero masaya na rin ako at nadagdagan rin ang kaalaman ko sa pananamit ng babae. Mahirap na mamaya malagay nanaman ako sa ganitong sitwasyon.

Pinakita ko sa kanya yung proposals namin at kami na rin yung nagfilter kung ano yung tatanggalin namin. Nalaman ko rin na isa na pala siyang grad student at nakapagtapos siya ng anthropology.

Nang matapos ang klase, pinakilala ko na siya kay Lew dahil isa rin ito aming mga kagrupo. Nagkamustahan kami at pinagmasdan kong mabuti kung ano talaga ang cardigan. Amazing!!! Yun pala yun... hahahaha!!!

Karagdagang Kaalaman
cardigan - A knitted garment, such as a sweater or jacket, that opens down the full length of the front. (Ayon sa thefreedictionary.com)

Saturday, January 07, 2006

LumalagabLOVE

May nagtanong sa akin kanina kung ano daw yung gusto ko sa isang babae kung magiging nobya ko man siya. Napa-isip ako ng lubusan sa tanong.

Sagot ko sa kanya "Hirap naman ng tanong mo. Sandali lang, pag-iisipan ko lang."

E may nangyari na kailangan na niyang umalis kaya hindi ko nasagot yung tanong. Buti nga e. Kasi ayaw ko naman mapilit masagot yung tanong... seryoso kasi ako pagdating sa mga relationship.

Ayaw ko kasi yung mga hindi seryosong relasyon. Gusto ko kung magkaroon ako ng nobya, e yung seryoso kami, kahit na ba alam ko mahirap.

Naisip ko na ilagay sa blog ko yung lista kaya ililista ko sa baba yung katangian ng gusto kong maging nobya.

1. Masaya kausap. Hindi naman kasi parati may ginagawa kami, madalas kwentuhan, tawanan. Hindi kailangan meron patutunguhan yung usapan, kahit walang sense basta masaya kausap. Ayaw na ayaw ko yung mga tipong isang-tanong isang-sagot. Iniisip ko rin paano kung nakaratay na kami sa higaan parehas, wala na talaga kami magagawa, usap na lang talaga.

2. Game sa mga kalokohan. Marami kasi akong gustong gawin sa buhay ko, simula sa maging isang may-ari ng isang business papunta sa mga simpleng bagay na pagtulog sa kalsada. Hindi ko naman siya gusto isama sa pagtulog sa kalsada, delikado yon. Pero gusto ko sa mga kalokohan na pwede siya isama e kasama ko siya. Sa mga puyatan, gimikan, asaran... Isa sa mga gusto ko ay yung biglaang desisyon, yung mga tipong magkayayaan lang ngayon tapos after 30 minutes punta na ng baguio. Basta gusto ko lagi masaya. Pero siyempre may mga considerations. Gusto ko rin yung siya magyaya rin sa akin.

3. Maganda yung mata. Hindi rin kasi parati meron kami ginagawa o pinag-uusapan. Minsan lang gusto ko yung nakikipagtitigan lang ako. Ganon lang masaya na ako.

4. Masarap kumain. Aminado ako malakas akong kumain. Kaya malakas din kumain yung gusto ko. Mahihiya kasi ako kung ako lang kumakain sa amin. Pati marami akong gusto kainin. Masaya siguro kung game din siya magtry ng kung ano-ano na pagkain. Katulad dun sa World Tops sa may Katipunan, pumipikit ako at bigla kong ituturo yung pagkain na kakainin ko sa menu. Madalas hindi ko maintindihan yung kinakain ko, pero masaya pa rin ako dahil nakain ko yon.

5. Touchy at the right place and the right time. Gusto ko yung touchy siya. Hindi naman kailangan na lagi siyang may parte ng katawan na nakadikit sa akin. Hindi ko naman gusto ang linta. Gusto ko yung kapag nag-aasaran kami yung malakas siya manghampas, gusto ko nga ihambalos niya yung kamay niya sa akin kasi makikita ko na parang ang open namin at masaya kami sa isa't isa. Or kung seryoso yung usapan yung hahawak na lang sa balikat mo. Pero ayaw ko naman yung sobrang malambing na kahit nasa jeep e nagyayakapan pa kami ng todo-todo. Gusto ko rin kasi mapreserve yung relationship. Ayaw ko mapicture ng mga tao sa amin na kung ano-ano yung ginagawa namin.

6. May sense of responsibility. Study first, Nobyo later. Hindi lang ako ang kailangan mag-aral. Pati rin siya. Ayaw ko naman sabihin ng mga tao na masyado niyang priority ako or ang bobo niya or tamad niya. Kailangan alam niya yung mga dapat unahin niya sa buhay.

7. Huggable. Mahilig akong mangyakap kaya gusto ko huggable. Huggable siya mentally and physically. Mentally, gusto ko yung pagniyakap ko siya e gusto niya rin yung niyayakap ko siya. Physically, hindi ibig sabihin mataba or chubby, sa totoo lang gusto ko yung sexy. Basta yung masarap yakapin.

8. Naiintindihan ako. Gusto ko yung parang alam niya yung body clock ko. Madalas maloko ako, pero sa mga oras na seryoso ako, pwede niya pa rin akong lokohin. Sa mga oras na sobrang stressed out na ako dahil sa mga academics at sa kung ano pa man bagay sa buhay, e nandyan siya para suportahan ako at yakapin ako. Malaki talaga nagagawa ng yakap para sa akin.

9. Sintunado kumanta. Pagkumanta siya para sa akin matotouch talaga ako, kasi alam ko na kahit ganon yung boses niya at lumilipad na kung saan-saan ang mga nota e sinusubukan niya pa rin. It's the thought that counts. Pati syempre kapag kumanta kami ng sabay... Aba! para kaming mga pusa at asong nagaaway. Ang saya non.

Hindi ko naman inaasahan na lahat yan meron yan meron, basta importante masaya kami parehas.

Bulag, nagwindow shopping

Kagabi nasa mcdo philcoa ako para sa isang pagpupulong para sa proposals namin sa BA192. Nang matapos ang meeting, umuwi na ako kasabay si Lew dahil isa siya sa mga kagrupo ko. Parehas lang kami sumasakay ng SM North kaya naman parehas ang aming daan pauwi.

Umakyat kami ng overpass dahil nasa kabilang dako ang SM North na jeep. Meron mga tao sa dalawang gilid ng overpass na nagbebenta ng kung anong samut-saring mga tinda.

Nang makaakyat kami, nakita namin ang isang tao na nag-iisa na may dala-dalang patpat at ihinahampas hampas niya ito sa sahig na para bang nangangapa kung nasaan ang kanyang dinadaanan. Kitang-kita sa mga mata niya na hindi siya nakatingin sa kung saan. Walang duda, bulag ito.

Pinagmasdan ko siya ng mabuti. Sa kilos at sa mga bagay bagay na dala niya kumpleto ang sangkap ng kanyang pagkabulag.

Nagmatiyag ako muli. Si manong bulag biglang tumigil ng may malapit na itong makabangga.

Sabi ko sa aking sarili, "Galing talaga ng mga bulag, kahit hindi nila kita ang kanilang mga dinadaanan nararamdaman naman nila kung may tao o bagay na malapit sa kanila kahit hindi pa ito tinatamaan ng patpat nila." Para bang mga paniki.

Bighaning bighani ako sa kanya. Napa-isip tuloy ako kung paano iyon.

Nang tumingin akong muli sa kanya... SI MANONG BULAG TUMITINGIN-TINGIN SA MGA PANINDA SA GILID NG KANYANG PINAGPIGILAN!!!

Nabigla ako sa nakita... Wala talagang duda, bulag ito. Lahat ng kilos at lahat ng ayos nito ay bulag na bulag. Pero bakit ganon? Baka joke time lang.

Nagmatiyag ako muli...

Lakad uli si manong. Ganon nanaman ang kanyang kilos. Hinahamapas hampas niya ang kanyang patpat sa sahig na para bang nangangapa at nakatingin ito sa hangin. Bulag na bulag ang paglakad.

Tumigil itong muli... TUMINGIN NANAMAN SA PANINDA SA KANYANG GILID!!! Ibang klase nga naman ang bulag na ito, nagwiwindowshopping.

Tinanong ko si Lew "Bulag ba iyon?"

Tugon naman nito "Yun nga rin iniisip ko kanina pa..." Sabay tawa kaming dalawa.

Nung bumaba na kami ng overpass, bumaba na rin si manong bulag sa kabilang hagdan ng overpass.

Hanggang ngayon iniisip ko kung ano ang totoo, bulag ba talaga ito o hindi... Wala talagang duda sa mga kilos at gamit niya bulag siya pero sa pagwwindowshopping niya walang duda hindi rin ito bulag.

Iniisip ko rin kung sino ba ang masmukhang tanga sa amin... Siya ba o kami? Malay mo meron pala camera dun sa gilid gilid tapos sasabihin sa amin WOW! MALI! Sana naman wala, kasi mukha talaga kaming ewan nung pinagmamasdan namin siya na kitang kita na nabigla kami at makikita pa ito sa national level.

Thursday, January 05, 2006

What is your perfect major?

You scored as Psychology. You should be a Psychology major!


Psychology

83%

Theater

75%

Engineering

75%

Dance

58%

Mathematics

58%

Art

42%

Sociology

42%

Philosophy

42%

Biology

42%

Journalism

33%

Anthropology

33%

Chemistry

33%

English

17%

Linguistics

17%


What is your Perfect Major?
created with QuizFarm.com

Dapat pala nagpsychology na lang pala ako, hindi computer engineering. Magshift na kaya?

Tuesday, January 03, 2006

Sunod-Sunod na Kamalasan

(A Series of Unfortunate Events)

BULOK ANG AUTOMATIC DOOR NG GREENBELT!!!

Nagtungo ako ng greenbelt kanina dahil kinailangan ko sunduin ang pinsan ko sa domestic airport pero nadelay ang flight nito kaya naisipan ko mamasyal na muna.

Aaminin ko na taong bahay lang ako kaya naman gusto ko pumasyal ng greenbelt dahil sa isang beses pa lang talaga ako nakapunta rito, pangalawa na yung kanina.

Kung nabasa niyo yung datengg game, malalaman niyo na nanalo ako sa isang dating game sa event ng engg week, pero hindi natuloy yung date. E nasa akin pa yung gift certificate kaya may chance pa ako kumain sa museum cafe kasama ang isang tao.

Nagtanong muna ako sa gwardya doon kung nasan ang ayala museum dahil malapit lang ang museum cafe rito. Tinuro niya naman sa akin ito. Sabi niya pasok daw ako sa greenbelt 4 at lakad lang ako ng diretso mahahanap ko daw sa dulo iyon. Ginawa ko naman ito.

Astig nga naman ang greenbelt! Automatic doors pa talaga ang mga pinto. (OO, ignorante na ako!) Kahit na nakaranas na ako ng ganitong klaseng teknolohiya... ako'y nabibighani pa rin.

May mga nauna sa akin at nakita ko kung paano ito bumukas. Astig!

Sumara ito ulit. Astig!

Ng ako na ang papasok... HINDI BUMUKAS!!! Paltos!!!

Bighani pa man din ako pero hindi bumukas! Ganon na ba ako kamalas!!!

Sinubukan kong muli. Umatras ako at lumakad ulit papasok. HINDI TALAGA!!!

BULOK!!! BULOK!!!

Siguro isa na itong pahiwatig na sobra na ang kamunduhan ko na lupa lang ang nakikita ng pinto sa pagdaan ko.

Pinapasok na lang ako ng guard sa may exit. Aba! Bumukas yung pinto. Astig!

Dumiretso na ako sa dulo... labas ulit ng building at nakita ko ang ayala museum at museum cafe. Hindi na ako pumasok sa ayala museum dahil wala akong pera pero nakita ko naman ang museum cafe. Ganda ng pagkakagawa nito... Cozy ang atmosphere nito at walang kaduda duda na mahal ang mga pagkain rito... Hindi na pumasok sa isipan ko na tumingin sa menu nito at ako'y bumalik na ng glorietta para magikot-ikot pa.

Marami ng beses ako nakarating ng glorietta at maraming beses ko na rin itong inikot pero hanggang ngayon sa bawat punta ko rito naliligaw pa rin ako. Tulad ng nangyari kanina... Nawala nanaman ako.

Isang advice sa akin ng kaibigan ko na kung nawala ka sa glorietta pumunta ka lang sa gitna at okay ka na ulit. Ito naman ang aking ginawa.

Malaki ang gitna ng glorietta, pwede siguro dun magtayo sa gitna ng bagong basketbol kort at dun na ganapin ang finals ng UAAP.

Ng makarating ako sa ginta, nakita ko na meron pala itong mga upuan. Dali-dali akong bumaba dahil pagod na ako. Paupo na ako ng makita ko na nakaupo rin pala doon yung kakilala ko dati. Ako'y tumabi sa kanya.

Onting kwentuhan, onting tawanan, inspirational talk at educational talk.

Sa gitna ng aming kwentuhan hindi ko namalayan na umuulan na pala. Paano ko nalaman na umuulan? Simple lang... Sa laki ba naman ng gitna ng glorietta SA PWESTO KO LANG MAY TUMUTULO!!! AT HINDI LANG ITO YUNG SIMPLENG TULO!!! SUNOD-SUNOD ITO!!!

NASA LOOB NA NGA AKO NG MALL! NABASA PA AKO NG ULAN!!! MALAS TALAGA!!!

BULOK!!! BULOK!!!

Nakapatay ang fountain, wala naman dumudura, wala rin namang loko-lokong tao ang nambabasa sa akin. Hindi lang iyon... nakatingin pa talaga lahat ng tao sa akin... nakakahiya!!!

Isa rin ba itong pahiwatig na sobrang makamundo na ako, kahit nasa loob na ako ng mall nahahanap pa rin ako ng mga tubig.

Tumingin ako sa itaas at nakita ko na malakas nga ang ulan sa labas. Naghintay ako tumila ang ulan para ako'y makaalis na.

Nakwento ko sa kakilala ko yung datengg game, sinabi ko rin na balak ko na gamitin na lang pagmalapit na yung valentines day yung gift certificate. Tugon naman nito sa akin "Kung ako sa iyo gamitin mo na yun, malay mo hindi mo na magamit yun pagdating ng valentines. Baka mabangga ng kotse o kaya mabagsakan ng eroplano. Hindi mo alam ang mga mangyayari."

Napa-isip tuloy ako... May magandang point nga siya... paano nga naman kung mabangga ng kotse yung museum cafe e di hindi na ako nakakain dun. Maghahanap na nga lang ako ng kaibigan na pwede ko dalhin don. Pressure naman o...

Balik sa kwento...

Nang tumila na ang ulan, sumakay na ako ng MRT para sa isa pang pakikipagsapalaran papuntang domestic airport na hindi ko alam kung nasaan.

It's a jungle out there.