Tuesday, February 28, 2006

Documentation, Pico de Loro Exposure Climb

Pagod at masakit ang aking mga balikat dahil sa kabubuhat ng mga mabibigat na back pack at masakit na rin ang aking puwet sa mahigit na isang oras na pagupo sa FX na nagmula pang Lawton at ngayo’y patungong Ternate, Cavite. Pero lahat ng sakit ay nawawala sa tuwing naaalala ko ang mga drayber na kausap si Yonna. Ramdam na ramdam ko, pinagkakaisahan siya at unti-unti nang napapamahal ang aming pamasahe.

Isa pa sa mga bagay na nagpapawala ng sakit sa katawan ay makita ang mga ilog na lubusan ng nadumihan dahil ito mismo ang tapunan ng mga basura ng mga nakatira rito. Maslalong nawala ang sakit nang Makita ko ang isang residente naghuhugas ng kanyang pinggan sa maduming ilog. Hindi niya ba naiisip na ang mga dumi mula sa kanilang pinagkainan ay nakakadagdag sa dumi ng ilog. Maisip niya rin sana na huwag na lang hugasan ang pinggan dahil marumi pa rin ito kahit na matapos pa siyang maghugas.

Nakita ko rin ang mga palayan na malapit sa mga ilog na ito. Kahit na ba isipin ko na sa ibang lugar sila kumukuha ng tubig para tubigan ang palayan, hindi pa rin mawala sa isip ko na may epekto pa rin ang tubig na galing sa ilog. Nandidiri ako, maduming tubig sa ilog patungo sa palayan, sunod naman ang palayan ay magiging kanin at kakainin ng mga tao. Sana mali ako sa iniisip ko. Sana walang magkasakit sa mga palayan na ito.

Tumigil na ang mga FX at kami ay bumaba na at nakikita na namin ang lagusan patungong Pico de Loro. Nagbayad na sa mga FX draybers at sila’y umalis na.

Kaunting stretching lang at nagsimula na kaming maglakad patungong jump-off. Sa unang sulong matarik at medyo hindi pa sanay ang aming mga katawan pero nang lumipas ang kinse minutos mukhang nakikiayon na ang aming mga katawan sa pagakyat.

Bahay na gawa sa kahoy ang nakita ko. Mukhang luma na ito pero dahil siguro lupa lang ang nakapaligid rito. Sa tabi nito merong umaagos na tubig mula sa isang mahabang tubo. Pagtingin ko nang malapit sa tubig napansin ko na malinis pala ito, pwedeng inumin pero nasasayang lang ito dahil tuloy-tuloy lang ang agos patungo sa lupa. Nakakapanghinayang, naiisip ko na lang ang mga taong namamatay dahil uhaw sa mundo.


Kumain na raw kami at sa isang tabi kami naupo at napansin ko ang mga sako ng mga PET bottles. Mainam nga ito dahil pinupulot nila ang mga dumi na mula sa mga tao at binababa pero sa pagkakatingin ko sa tipo ng pag-iipon nila hindi mukhang inipon ang mga ito, mukha itong basura. Napansin ko sa mga tambak na ito ay ang isang lalagyan ng instant noodles. Malamang naisip ng nagtapon nito na ang nakikita niya ay basura.

Mga aso at manok ang kalaban namin sa aming pagkain. Nakatingin at nagmamasid, nagbabakasakaling mabigyan o di kaya’y may mahulog sa aming pinagkainan.

Nagsimula na kaming maglakad at kahit na ba may mga dala kaming mabibigat na pack ay patuloy pa rin kaming naglalakad. Isang paa tapak rito at isa naman naman ay dito. Unti-unti ang usad, pero masmabuti na ito kaysa naman sa hindi umuusad.

Nang mapagod ang lahat, huminto kami para sa isang rest stop. Napansin ko mainam nga ang rest stop na ito dahil sa may puno sa gitna para aming masilungan mula sa mga sikat ng araw at mga bato para maupuan namin. Napansin ko rin na limitado lang rito ang mga patay na damo. Naaalala ko nanaman ang tinuro sa amin ni Lillian na sobrang dumikit na sa aking isipan, “minimum impact”. Sa tingin ko ganon na ganon ang nangyayari rito, limitado lang ang mga tinatapakan ng mga tao at kitang kita ang mga damo ay nasa maayos pang kalagayan.
Masaya na kami naglalakad at sa sobrang saya namin ay nag-aawitan na kami. Nasa isip ko na mabuti na yung masaya naglalakad kaysa naman sa boring. Pero hindi pala ito mainam dahil kami ay dahilan ng noise pollution na nagaganap sa burol. Nang mapansin ko ang hindi kanais-nais na ginagawa namin ay patuloy na nagsasalita sa aking isipan ang boses ni Lillian, “Minumum Impact! Minimum Impact! Mimimum Impact!”

Pagod na ako at mahirap ng maglakad pero ito naman ang isang troso sa aking harapan. Ano ba ang dapat kong gawin? Over o under? Tinanaw ko ang isand dulo ng troso, mga sanga, pagtingin ko naman sa kabila napansin ko na pinutol pala ito ng mga tao. Malinis ang pagkakahiwa sa puno na ito ngunit nakakaawa dahil sa nabawasan nanaman ang mga puno sa mundo at hindi man lang ito naging pakinabang sa sangkatauhan at naging pahirap pa ito sa aming paglalakbay.

Nakarating na kami ngayon sa aming campsite at nagayos na ng aming mga tent. Namasyal muna kami sa paligid ng aming campsite at tinignan kung ano ang mga narito. Maganda ang tanawin mula sa itaas na para bang ayaw mo na bumaba mula rito. Malinis ang kapaligiran at ibang iba ito sa siyudad. Pero hindi rin pala makakatakas sa katotohanan itong bundok na ito. Hindi rin ito nakaligtas mula sa malulupit na hagupit ng mga tao sa kanilang pagkakalat. Nakakita ako ng bote ng coke sa paligid, na mukhang tinago ng mabuti upang hindi makita ng iba pang umaakyat. Nakakaawa naman ang bundok mula sa mga taong ito.

Nagsimula na kami sumulong patungo sa pinakamataas na parte ng Pico de Loro. Napakaganda nga naman ng tanawin mula sa itaas. Sabi nga ng isa kong kasamahan na nakakaiyak daw ang tanawin.

Bumalik na kami sa campsite at kumain at natulog na para sa pakikipagsapalaran patungo sa baba ng bundok kinabukasan.
Nakahanda na ang lahat at nakakain na at simula na ng aming pagbaba. Habang papaalis pa lang kami ng campsite napansin ko na ang mga kasama namin na umakyat ay naghahanda na rin para umalis.

Nauna na kami pero makalipas ang ilang sandali ay nasa likuran na pala namin ang mga taong ito. Mukhang nainip na ang mga ito dahil sa bagal namin, walang paalam na dumiretso sila ng lakad paloob sa amin at ang iba pa sa mga ito ay nakatanggal ang pangitaas na damit. Huwag nilang sabihin na maganda ang hubog ng katawan nila ay may karapatan na sila na dumaan na lang ng basta basta sa amin. Pati hindi rin dapat nakahubad ang pang-itaas dahil malaki rin ang social impact nito kahit na ba lalaki pa sila. Sana lang matinik sila sa katawan o kaya masugatan sila ng mga grass blades.

Nang makarating kami sa dati namin rest stop, napakadumi na nito. Meron pang butane canister na naiwan dito. Lalagyan ng Jellyace at iba iba pang mga gamit.

Nagsimula na kami maglakad at napansin namin na may maliliit na dumi sa paligid. Pero nabigla ako nang makita ko ang isang malaking garbage bag sa daan na sigurado nagmula sa mga naunang mga tao sa amin. Sobra na talaga ang kasamaan nila sa kapaligiran.

Nakarating na muli kami sa jump-off at nakita na namin ang mga naunang mga taong umakyat. Nakahubad pa rin ng pang-itaas ang mga ito. Ngumingiti ngiti pa na para bang walang silang naitapon na basura.

Nauna na sila umalis dahil kami ay nagluto pa ng aming mga kakainin para sa aming tanghalian. Matapos kumain at muli makipagbaka sa mga aso at manok na nasa paligid ay bumaba na kami.

Nang nasa biyahe nalungkot nanaman ako nang makita ko ang mga ilog at mga taong nakapaligid rito.

Sana sa susunod ay hindi na ganito. Sana masmabait ang mga tao at masmalinis dahil tayo rin naman ang dumudumi ng kapaligiran na ito.

Monday, February 20, 2006

Palikuran

Alam niyo ba na may bago ng teknolohiya sa loob ng ihian ng mga lalaki.Dati-rati kapag umiihi ako sa urinal ng mga lalaki sa loob ng SM North ay kinailangan ko pang hilain yung lever (ano bang tagalog nito?) ng urinal.

Kung isa kang maarte na tao, isipin mo na lang kung saan humahawak ang bawat lalaki kapag umiihi pagkatapos ay parehas na kamay ang gagamitin nila sa paghila ng lever na ito. Kadiri ano?

Mabuti na lang ay hindi ako maarteng lalaki at kayang kaya ng aking looban na hawakan ito at hilain.

Pero huwag na matakot kayong maarte na lalaki sa mundo, dahil ang bagong teknolohiya sa loob ng palikuran ng mga lalaki ay narito na. Kung ang iniisip mo ay ang automatic flush na feature ng maraming palikuran e nahuhuli ka na sa teknolohiya sa loob ng palikuran.

Ang bagong teknolohiya na sinasabi ko ay ang wala ng flush na urinal.

Pagkatapos mo umihi, alis ka na. Hindi na ito kailangan buhusan.

Ayan nanaman, at umaandar nanaman ang isipan ninyong maarte. "Kung hindi binubuhusan e di hindi nalilinis iyon at nandun pa rin yung ihi. E di mapanghi at na-iipon yung mga dumi. Yucky! Kadiri!"

Huwag ulit magalala kayong maarte dahil astig itong teknolohiya na ito. Ginagamit nito ang bigat ng mga liquid para hindi lumabas ang amoy at mga dumi.

Ang kompanyang nakaimbento nito (na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kahit na sobrang nagtatanong na ako kahit kanino at nagsesearch na sa net) ay naghanap ng isang klaseng liquid na masmagaan kaysa sa ihi ng mga tao.

Isipin mo na lang ang mantika at tubig. Kapag pinagsama mo ang dalawa ay hindi sila naghahalo kahit ano pang gawin mo. Ganito rin ang prinsipyo ng teknolohiya na ito, ang ihi ay diretso nagtutungo sa ibaba ng isang liquid na ginawa ng kompanya at sinigurado nila na kahit ang amoy ng ihi natin ay hindi makakalusot pati na rin ang mga dumi at bacteria na dala nito.

Ito nanaman ang maarteng tao. "Hindi ba baka mapuno ang ihian? E di aapaw ang ihi! Yucky! Kadiri!"

Ang aarte niyo! Siyempre hindi naman bobo ang kompanya na gagawa ng teknolohiya na ito. Kailangan din may proper drainage ang urinal. Isipin mo na lang kung bakit hindi nauubusan ng tubig ang inidoro niyo sa banyo. Ganon din ang prinsipyo non. Kapag ang ihi ay bumaba na sa liquid na ginawa ng kompanya, dadagdag ang bolyum ng mga liquid (ihi at ang naimbentong liquid), may kailangan lang mamaintain na lebel ng tubig. E ang ihi ng mga tao ang nasa ibaba, kaya ang ihi lang ang pupunta sa drainage at hindi yung liquid na gawa ng kompanya.

Astig ano? Ano hihirit ka pa ba maarte na tao?

"E paano naman yung mismong urinal? Baka dumikit yung ihi sa urinal e di mangangamoy rin yun."

Hy! Hirap talaga makasama ang maarte. Ganito lang iyan. Malamang sa milyones na ginastos ng kompanya para lang sa teknolohiya na ito, malamang ay tiningnan naman nila ang lahat ng anggulo para hindi mangamoy at dumumi yung urinal. Siyempre nagisip din sila ng coating sa urinal kung saan hindi talaga kakapit ang ihi ng mga tao.

Kung may hihirit pa ang maarte diyan. Sana lang pwede tayo magbalik sa oras na may El Nino sa Pilipinas at ilalagay kita sa loob ng palikuran namin sa bahay kung saan isang beses lang kami magbuhos ng inidoro sa isang araw dahil sa krisis sa tubig. Kadiri ano? Pero isang katotohanan.

Butterflies

Dahil sa kadahilanan na may mapapahiyang batchmate ko dito sa entry na ito, hindi ko na lang babanggitin kung sino yung tao na nagsabi ng mga nakakahiyang bagay.

Si Zyra ay nakakahiya matapos ang 7.5km trip batch walk namin.

Pagod na kaming lahat (Gian, Cat at ako) ang layo ba naman ng nilakad namin at mga dalawang oras kaming naglalakad na walang tigil.

Nagpunta kami sa baba ng AS steps para magpahinga.

Naglabas ng pambata na libro si Cat. Naaalala ko yung mga librong ito dahil ito yung mga libro na binabasa ko nung bata pa ako.

Sobrang nagusuhan ko ang mga libro at marami sa mga bagay na alam ko tungkol sa mga bagay-bagay sa mundo ay natutunan ko rito. Maslalo na tungkol sa mga insekto.

Nang nakita ni Zyra ang mga libro, sabi niya "Yan yung mga libro na binebenta ko dati. Naaalala ko yung bata pa ako yung mga tungkol sa mga butterfly."

Bigla itong nagpaliwanag ng kung ano-ano at nabanggit niya, "Yung proseso ng pag-iibang anyo ng butterfly galing sa caterpillar ay dahil sa photosynthesis."

Natigilan ang lahat at nagtawanan kami.

Usap-usap ulit at ng mapunta ulit sa mga butterflies ang aming usapan.

Nagtanong si Cat "Ano yung tawag dun sa proseso ng pag-iibang anyo ng butterfly mula sa cocoon?"

Sambit naman ni Zyra "Alam ko nagsisimula yun sa letter C."

Sagot ko naman "Metamorphosis...."

Biglang sagot si Zyra "Tama! Metamorphosis nga!"

Tandaan mga bata, Metamorphosis starts with letter C. Ayun po ito kay Zyra.

Zyra peace tayo.

Monday, February 06, 2006

Magnanakaw ng Libro

Kanina, sa hindi ko malaman na kadahilanan, gusto ko mapag-isa habang nag-aaral. Kaya naman ay pumunta pa ako sa silid-aklatan ng kolehiyo ng mga enghinyero para lang mag-aral magisa.

Nang makarating ako sa silid-aklatan ng mga enghinyero, nagsimula ako maghanap ng libro tungkol sa MySQL. Dati-rati na ako naghahanap ng libro para lang matutunan ko ang lengwahe na dala nito ngunit sa bawat punta ko parati na lang walang libro para rito.

Ngunit kakaiba ang araw na ito. Meron akong nakita kaagad na libro. Tuwang-tuwa ako at binasa ko ito pagkarating ko sa aking upuan.

Hindi ako mahilig magbasa kaya naman ay inantok ako kaagad at naisipan na hiramin na lang ang libro at ganon nga ang aking ginawa. Kinuha ko ang aking library card na walang kalaman-laman dahil hindi ako humihiram ng libro. Sinulat ko ang access number at call number ng libro at iniligay ang aking pangalan at student number sa papel na nakalagay sa libro.

Matapos kong gawin ang mga pagsusulat tumayo na ako at lumapit sa circulation desk. Binigay ko ang libro at library card kasama na rin ang aking ID. Inasikaso niya na ito at sandali lang nailagay niya na sa sistema na hiniram ko ang libro.

Dumiretso ako sa aking upuan muli at dun ay nilagay ang libro sa loob ng bag at kumuha ng bagong aaralin mula sa aking bag.

Inantok muli ako at napag-pasyahan ko na lang na umuwi. Isa pa mainit sa loob ng silid-aklatan dahil sira ata yung isang aircon.

Nagligpit na ako at nilagay ko lahat ng gamit sa loob ng bag, kasama na rito ang libro na hiniram ko. Dumiretso ako sa labasan at pinakita ko ang aking bag.

Napansin ng babae ang libro na hiniram ko dahil meron itong tatak sa gilid na libro ito ng kolehiyo ng mga enghinyero. Ngumiti ito na para bang nang-aasar at nababasa ko sa mukha niya na "Hahaha! Akala mo makakalusot kang magnanakaw ka!"

Napahiya nanaman ako!!! Minsan na nga lang ako mapadpad sa silid-aklatan at minsan na lang ako manghiram ng libro napahiya pa ako at napag-isipan pa na magnanakaw!

Inilabas ko ang libro at pinakita ko sa kanya na hiniram ko ang libro. Kahit na ba napakita ko na sa kanya na hiniram ko ang libro, ganon pa rin napahiya pa rin ako.

Tinanong ko sa kanya kung kailangan nga ba talaga ipakita yung libro na hiniram bago lumabas kahit na ba napakita na ito sa isa pang librarian na nahiram ko na ito.

Sagot nito sa akin na SOP (standard operating procedure) pala ito.

Nakakahiya talaga. Sa lahat ng ayaw ko ay napapahiya ako at masmalala pa roon ang nakuha ko. Nagmukha pa akong magnanakaw ng libro.

Friday, February 03, 2006

Meal Stubs

Naikwento lang ito sa akin ni Meiling kanina. Hindi ko alam kung tama ang mga nakasulat pero yung pinakapunto ay nakalagay.

May paparating na event ang kabilang org (ERG) at sila ngayon ay naghahanda ng mga kailangan nilang ipamigay at mga pangangailangan.

Isa sa mga kailangan nilang iimprenta ay ang sign para malaman ng mga dadala kung saan kukunin ang mga meal stubs nila.

Matapos maimprenta ang mga ito may isang nagbasa sa kanila at ang kanyang nabasa ay

"Get your stabs here."

5.5K Batch Run

Matagal tagal na rin akong hindi nagpopost. Pasensya na mahaba ito.

Sa mga taong hindi nakakaalam, ako ay aplikante ng dalawang organisasyon dito sa Unibersidad ng Pilipinas. Isa sa mga organisasyon na ito ay ang GRIP UP, ito ay isang sports climbing org na nakabase sa Power UP, Tandang Sora. Gusto ko maging miyembro ng org na ito sa kadahilanan na may interes ako sa ganitong klaseng isports.

Sunod naman ay ang UP Lakay Kalikasan Mountaineers, mountaineering org ito at ano pa ba ang mga dapat namin gawin sa organisasyon na ito? Siyempre, umakyat ng bundok. Sumali ako sa org na ito dahil gusto kong maging isa sa kalikasan.

Maliban pa sa mga rason sa itaas kung bakit ako suma-sali sa dalawang organisasyon na ito, gusto ko maging malusog ang aking katawan. Ang GRIP UP ay nangangailangan ng malakas na pang-itaas na katawan dahil kinakailangan mabuhat mo ang iyong buong katawan gamit lamang ang iyong mga kamay. Ang UP Lakay Kalikasan Mountaineers naman ay meron mga batch runs na umaabot sa 12.5K. Ito ay para naman sa pangibabang parte ng aking katawan. Ipagsama ang dalawang organisasyon na ito buong katawan na ang aking napapalusog.

Nais kong ikwento ay ang aming unang batch run namin sa UP Lakay Kalikasan Mountaineers.

Naiplano namin ito noong ika-26 ng Enero taon 2006 sa oras na alas-otso ng gabi. Sa tingin ko nagrereklamo ang mga miyembro sa ganitong oras dahil nga naman gabi na at wala na masyadong tao sa unibersidad at isa pa madilim sa aming mga daraanan.

Nagtipon-tipon kami sa tambayan ng Lakay sa may Vinson's Hall at dito nagstretch na kami para sa paghahanda ng takbo. Hinihintay namin si Jayrald dahil mayroon siyang klase hanggang alas-otso ng gabi, pero nagsimula ang klase niya ng mga bandang alas-syete kaya't matagal namin itong hinintay. Sa tagal namin sa paghihintay sa kanya, nainip na kami at sinimulan na namin ang pagtakbo.

Bago ko simulan ang kwento, pagpapakilala muna sa iba't ibang aplikante ng Lakay.

Josiah (Ako ito) - 4th year computer engineering student. Sabi nila matangkad, makulit at malakas ang topak. Assistant batch head ng grupo.

Mia - 1st year psychology student. Buddy niya ay ang presidente ng Lakay na si Ate Michy. Parehas sila ng ugali ng buddy niya, sobrang kukulit ng mga ito. Isa rin nga pala siyang soccer player at sa araw ng aming batch run meron siyang pilay. Siya rin nga pala ang batch head ng grupo namin dahil siya ay isang freshman at may patutunguhan pa ang buhay, kami kasi wala na.

Cat sexy - 3rd year family life and child development student. Mukha itong seryosong babae, pero mag-iingat ka rito, biglaan ang banat nito.

Kat sexy - 4th year chemical engineering student. Kakaiba itong babae na ito dahil kung malakas na ang topak ko, masmalakas pa yung sa kanya. Mahilig itong magjogging at kahit tapos na yung jogging gusto niya pa rin magjog.

Lendl - 3rd year electronics and communication engineering student. Malakas din ang banat nito. Maganda ang tandem nila sa susunod na aplikante.

Jayrald - graduating electronics and communication engineering student. Makulit at madalas makita ko kasama ni Lendl dahil parehas sila ng organisasyon. Makulit rin ito.

Gian - 3rd year psychology student. Malaking tao, medyo tahimik pero game rin siya sa biruan.

Zyra - graduate student, isa siyang teacher sa Fatima at malakas din ang topak, kaya nga naman naaaninag ko siyang tinotorture mga studyante niya. Siya ang treasurer namin, marami kasi pera ito, nagtatrabaho na. Nabasa ko rin sa papel na pinantakip niya sa kutsilyo na dala niya noong aming cookout na magaling siyang teacher at masaya daw itong magturo.

Laya - hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung ano ang course niya pero ang alam ko ay 4th year student siya sa UST. First impression ko, mataray, pero sa totoo mataray nga talaga siya, pero kahit ganon pa rin siya masaya siya kasama malakas din topak nito.

Reij - Isang beses ko pa lang nakikita siya, kaya't hindi ko pa alam kung paano kumilos at kung ano man ang mga nagagawa niya. Hindi siya kasama sa batch run naming ito.

Pababa pa lang kami galing tambayan para pumunta sa kung saan ang simula ng aming pagtakbo ng dumaan kami sa isang malumot na daan at nadulas si Gian. Kinabahan ako dahil hindi pa kami nagsisimula at may maiinjure na agad. Buti na lang at nakatayo siya at maayos pa siya.

Pagdating sa simula ng takbo. Naghanda na kami at wag daw namin kalimutan na ang pinakahuli na tao makalagpas sa dulo ay yun ang batch time namin at kailangan matakbo namin ang ruta na 5.5 kilometer ang haba ng hanggang 45 minuto lamang. Kung meron lumpagpas sa ganitong oras hindi kami papasa sa takbong ito.

Nagsimula na ang takbo, noong simula binagalan lang namin para naman maisa-ayos namin ang aming katawan para sa mabilis na takbo. Sama sama kami tumatakbo, at ng medyo malayo layo na kami, meron na akong napansin na hindi pala kami lahat ay ganon kalakas tumakbo kung kaya't kailangan alalayan namin ang bawat isa.

Meron isang parte sa aming pagtakbo ay sobrang dilim na hindi ko na makita ang tinatapakan ko. Kasi naman bakit sa ganitong oras pa kami tumakbo. Hirap na hirap ako at ayaw ko mapated baka magkainjury pa ako at hindi ko matapos ang takbo. Ginamit ko na talaga ang limang pangramdam ko sa kadiliman na ito ngunit kulang pa rin. Kaya naman tumakbo na lang ako na may matataas na hakbang para naman sigurado hindi ako madadapa. Kung sa nakikita lang ng mga kapwa ko aplikante ang aking ginagawa mukha talaga akong may sira ang ulo, pero buti na lang madilim at hindi nila ako nakikita.

May napansin akong naglalakad pero kaya pa naman nila humabol. Pero ng tumingin pa ako sa masmalayo, meron pala kaming naiiwan na kapwa aplikante, si Gian ito. Hindi pala siya madalas na tumatakbo at sa pagkakatingin ko sa kanya nahihirapan siyang tumakbo.

Unang lumapit sa kanya ay si Lendl, at inalalayan siya pero bumalik din ito sa mga nauuna. Ako naman ang sumunod na tumabi sa kanya at napagdesisyunan ko na wag na siyang iwan dahil kung siya rin lang naman ang mahuhuli at yung pinakahuli na oras ang kukunin masmabuti na alalayan siya kaysa naman sa magpasikat pa at masabi na malakas akong tumakbo.

Kasama nga rin pala namin dito si Kuya Renato, siya ay ang dakilang driver ni Gian. Kinakabahan nga ako sa ginagawa nito kay Gian dahil tinutulak niya si Gian sa likod na masmabilis pa sa kayang ilakad ni Gian. Kabado talaga ako at wala na akong masabi at ginawa ko na lang ay umalalay na lang.

Napansin din ng mga nasa unahan na mabagal na ang kilos namin, naghintay na sila at sabay-sabay na kami tumakbo. Tumabi na si Laya kay Gian at hinawakan na ang kamay ni Gian para naman makita na may suporta siya. Naisip ko na epektibo nga ang ginawa ni Laya dahil malakas nga ang suporta na nagagawa nito kay Gian. Dumating kami sa may parte na paitaas, sa likod ng Law. Kitang kita na hirap na hirap na si Gian.

Mabuti na lang at nakalagpas na kami at lagpas kalahati na ang natapos namin. Nakarating na kami sa academic oval at hirap pa rin si Gian. Todo na ang suporta ang binigay ng grupo namin para lang ituloy niya ang kanyang paglakad.

May oras na sobrang nahihirapan si Gian, kung kaya't naisipan ko na sumigaw ng GO GIAN!!! ROOOOAAAARRRR!!!! nakakawala rin kasi ng pagod ang pagsigaw.

Dumating sa punto na wala na talaga kaming magawa at parang nabored na kami sa ginagawa namin at bigla na lang may isang bibo kaming kasama at sinabi na maghawak hawak kami ng kamay. Kami naman wala ng magawa. Aba't bakit hindi natin subukan? Hawak kamay kami nagpatuloy. Hirap pala ng ganong pwesto dahil dikit dikit kayo tumatakbo at may mga panahong kailangan baguhin mo takbo mo dahil baka matapakan mo ang iyong katabi. Pero natuwa ako ng lubusan sa ginawa namin. Kailan ka ba naman makakatakbo sa acad oval ng hawak kamay para lang sa kadahilanan na trip niyo lang itong gawin.

Nang makaabot na kami sa may Faculty Center. Hinawakan ko na ang kamay ni Gian para itaas ito para umikot ang dugo niya at para maging suporta sa kanya. Bahala na kung isipin ng mga tao na bakla ako, basta para sa akin matapos lang namin ang takbo ng maayos at pumasok sa oras para sa batch namin.

Nang umabot kami sa Palma Hall steps, may nagsabi kung kaya daw ba ni Gian na tumakbo ng mabilis kahit sandali lang. Sagot naman ni Gian "O sige." At biglaan itong tumakbo ng sobrang bilis!!! Nagulat kaming lahat dahil hindi lang itong ordinaryong takbo at wala man lang siyang binigay na pahiwatig na tatakbo na pala siya ng ganon. Nagulat talaga ako dahil nakahawak ako sa kamay niya at bigla siyang tatakbo ng ganon Takbo ito na bigay todo para lang bumilis na para bang wala na siyang pakialam sa katawan niya.

Kailangan may humabol at hinabol ko siya, hindi siya dapat madapa at kung mangyari man iyon meron dapat aalalay sa kanya. Kaya takbo na talaga ako. Sinabihan din ako ng aming batch head na si Mia na pigilan ko daw si Gian dun banda sa may Palma Hall Annex dahil hanggang dun lang ang usapan ng mabilis naming takbo.

Tumigil naman si Gian sa napag-usapan. Nagpahinga ito at ng malapit na ulit ang iba namin kasamahan, tumakbo na ulit siya ng mabilis papunta sa katapusan ng aming takbo. Kinagulat ko ulit ito dahil bigla bigla itong tumatakbo. Hinabol ko ulit siya para umalalay at kamuntik na itong madapat sa isang parte ng takbo niya. Buti na lang nakayanan niyang itayo ang kanyang sarili. Lumabas pa na siya ang unang una nakatapos sa takbo namin at nahuli pa kami.

Ibang klase nga naman si Gian. Nakakatuwa. At ng makarating na ang lahat inalalayan siya ng mga tao at hindi niya na kaya tumayo at bumagsak siya sa grass. Kailangan itayo siya para umikot ang dugo niya. Mahirap na mamaya kung ano pa mangyari sa kanya. Nagalala talaga ang lahat.

Natapos ang takbo at oras na para sa post run namin. Oras na para sabihin namin ang mga saloobin namin sa aming pagtakbo. Lahat kami ay natuwa, dahil umabot kami at nakatapos kami sa oras na 44 minuto. Kamuntik na! pero umabot pa. YAHOOO!!! Pero sinabihan kami ng presidente ng Lakay na wag daw namin gagawin yung pagsigaw dahil may social impact ito. Sapul na sapul ako dun ah. Huwag rin namin gawin daw yung maghawak kamay sa pagtakbo dahil sasakyan ang kinakaharap namin at hindi langgam. Pero kahit na ba, masaya ako dun sa ginawa namin. Hehehehe!!!

Tapos na ang pagtakbo namin at bukas ay aakyat na kami sa Pico de Loro. Excited na ako, sana maging masaya ang lahat.

Sana wala magdefer sa amin kahit gaano pa kahina ang batch namin. Naging malapit na ako sa bawat kabatch ko, ayaw ko na makita na may mawawala sa amin at gusto ko kasama ko sila sa paghihirap namin at matapos namin ang lahat ng samasama. Ang drama! Hehehe!

GO BATCH EIGHTEEN!!!